Sa kulungan ang bagsak ng aktor na si Kit Thompson matapos niyang bugbugin at iditine umano ang kanyang kasintahan na si Ana Jalandoni sa isang hotel sa Tagaytay City.
Sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa ilang kuha ng Tagaytay Police ang inabot na brutal na pambubugbog umano sa biktima ng aktor.
Nagawang magpasaklolo ang biktima sa isang kaibigan at pulisya sa pamamagitan ng social media, kung saan makikita sa kaniyang mensahe na nagmamakaawa siya dahil nasa peligro umano ang kaniyang buhay.
Agad namang rumesponde ang pulisya at mabilis na nasagip ang babae, na itinakbo sa ospital.
Inilahad ng Tagaytay Police na nag-check in ang dalawa Huwebes ng 6 p.m.
Nag-inuman ang dalawa, saka umakyat si Jalandoni sa third floor para kumuha ng magandang signal.
Pinuntahan siya noon ng suspek saka siya binuhat habang tulog papasok ng kanilang kwarto, kung saan doon nangyari ang pananakit.
"Meron siyang bruises, hematoma sa mukha. Allegedly inuntog pa raw 'yung ulo niya several times. Nakararamdam siya ng dizziness. Gusto niyang lumaban kaso nga lang malaki 'yung tao eh, mataas kaya hindi niya nagawang makalaban," sabi ni Police Lieutenant Colonel Rolando Baula, hepe ng Tagaytay City Police.
Hindi nagpaunlak ng panayam si Thompson at ang kaniyang mga abogado.
"Grabe, as in grabe talaga 'yung bugbog na ginawa sa kaniya. Alam naman natin kung ano 'yung totoo," sabi ng kapatid ng biktima.
Na-inquest na ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act. — Jamil Santos/VBL, GMA News