Sa 60 taon niya sa showbiz industry, hindi na mabibilang ang pelikula na pinagbidahan ng Star For All Season na si Vilma Santos. Alamin kung anong pelikula ang itinuturing turning point ng kaniyang career.
Ang actress-turned-politician na si Vilma ang naging unang guest sa bagong podcast na "Surprise Guest with Pia Archangel."
Dito tinanong ni Pia si Ate Vi tungkol sa pinaka-iconic roles na kaniyang ginampanan.
"I'm lucky enough be able to do iconic roles like Darna and Dyesebel," sabi ng premyadong aktres at kongresista ngayon ng Batangas.
Pero ang naging turning point daw ng kaniyang career bilang artista ay ang "Burlesque Queen," na idinirek ni Celso Ad. Castillo.
"Sabi nila doon ako nakilala o na-acknowledge bilang isang artista," ayon kay Ate Vi.
Sinabi pa ng aktres na "smart decision" ang pagtanggap niya sa mapangahas na role bilang night club dancer sa "Burlesque Queen," mula sa kaniyang sweet image.
Tumanggap ng maraming parangal ang naturang pelikula sa Metro Manila Film Festival (MMFF), kabilang ang Best Actress para kay Vilma.
"Smart work na pinag-iisipan, what's next. Ano yung pupuwede pang ma-enhance pa yung career mo for longevity para hindi naman ikaw stagnant o kinasasawaaan," paliwanag niya.
Sinabi rin ni Ate Vi ang mga pelikula na ginawa niya tungkol sa women empowerment.
"Like I was able to do 'Sister Stella L,' 'Bata Bata, Paano Ka Ginawa,' 'Dekada '70,' 'Anak,' 'Relasyon,' playing a role of a mistress where, modesty aside, I won my first grand slam," kuwento niya.
Pakinggan ang buong panayam kay Vilma Santos sa first episode ng "Surprise Guest with Pia Archangel." — FRJ, GMA News