Bibida sina Bea Alonzo at Alden Richards para sa Philippine adaptation ng hit Korean series na "Start-Up," na bumuo sa fans ng Team Good Boy at Team Do San.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ito ang unang official project nina Bea at Alden sa Kapuso Network.

"Napanood ko rin po siya and excited ako. This is my first K-drama adaptation project. Ang sarap lang sa pakiramdam mabigyan ng opportunity to be able to do something na hinahanap ng audience," sabi ni Alden.

"Nakakatuwa kasi even before I signed with GMA, my first ever meeting with the bosses ito na 'yung na-pitch sa akin. This is one of the reasons why I decided to become a Kapuso. So now that finally, it is happening, I'm very, very excited," sabi ni Bea.

Naging maayos din ang paghahanda at walang naging aberya sa pag-cast sa kanila sa serye.

"I know he's such a brilliant actor, nakita ko rin siya sa workshops namin and talagang sobrang nakakaimpress 'yung performance niya. Kahit ako kinakabahan na makasama si Alden. Iniisip ko 'Oh my God, I have to be on my toes, kailangan galingan ko rin kasi magaling si Alden,'" sabi ni Bea tungkol kay Alden.

Para naman kay Alden, hinubog ng John Lloyd at Bea films ang kaniyang pag-aartista kaya hindi pa rin siya makapaniwala na makakatrabaho na niya si Bea na kaniyang idolo.

Bukod dito, marami ring pagkakapareho sina Bea at Alden.

"Noong nag-workshops kami for other projects hindi niya pinalalagpas ang small details because small details 'yun ang nagka-count sa portrayal ng roles. Sabi ko 'Ah tama, perfect match kasi parehas kaming hands-on sa trabaho when it comes to the creative side," sabi naman ni Alden tungkol kay Bea.

Ayon sa ulat, naging mabusisi ang pakikipag-usap ng Kapuso Network sa producer ng "Start-Up" na CJ ENM Co., Ltd., pero nakuha rin ng network ang tiwala bilang partner para sa napakalaking proyekto.

"GMA has always been a great partner, and it is great to see them remaking one of my favorite series in the Philippines. Starting with 'Start-Up', which has a well-established storyline and unique characters, we are willing to acively carry out more adaptations of dramas with GMA in the future for the fans in Philippines," sabi sa pahayag ng CJ ENM Co., Ltd.

Sinabi ni GMA Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth Rasonable na may inihahandang sorpresa ang Kapuso Network para sa audience na nakapanood na, at mga unang beses na mapapanood ang series. --Jamil Santos/FRJ, GMA News