Itinuturing ng isang tattoo artist na "once in a lifetime" ang pagkakataon na matatuan [tattoo] niya ang pinakamatandang "mambabatok" sa Kalinga na si Apo Whang-Od. Bakit nga ba nagpa-tattoo sa kaniya ang living legend sa pagta-tattoo? Alamin.

Sa programang "Brigada," sinabing nagpalagay ng kaniyang unang tattoo ang tattoo artist na si Diegz Madrona kay Apo Whang-Od nito lamang nakaraang Nobyembre.

Ngunit nabigla si Diegz nang mag-request din sa kaniya si Whang-Od na tatuan din siya gamit ang kaniyang "makina" sa pagta-tattoo.

"Nag-picture-picture na po kami, tapos nakita 'yung machine ko, ang sabi ang ganda raw doon sa word po nila. Tapos baka puwede ko raw po siyang tatuan," kuwento niya. "Tapos sabi ko 'Sige po.' Tapos may dala raw po ba akong gamit? Sabi ko 'Wala po eh pero puwede po 'yung ink niyo po na traditional."

Si Whang-Od ang pumili ng disenyo, na siya namang tinatuan ni Diegz.

"Kinakabahan po ako nu'n. Hindi ko alam ang gagawin ko pero go na lang ako nang go kasi once in a lifetime talaga mangyayari 'yun eh kaya ginawa ko na po," anang tattoo artist.

Aminado si Diegz na kinabahan siya nang tatuan niya si Whang-Od, na alamat sa pagta-tattoo.

"Sobrang pumapaling pero pilit kong nilalabanan 'yung pagpaling niya. Tapos nararamdaman din nila o nakikita ng mga nanonood sa amin 'Uy sir nanginginig ka ah, pumapaling ah.' Ako, parang hindi ko pinapakinggan. Moment ko na ito, gagawin ko na ito kahit ano man ang mangyari. Halatang halata, sobra. 'Yung kaharap mo talagang respetado eh," masayang kuwento ni Diegz.

"Noong tinatatuan niya ako hindi ko naramdaman 'yung sakit kasi sobrang saya ko po eh," dagdag niya.

Ang naturang karanasan, habang buhay nang nakaukit sa balat at maging sa puso ni Diegz.


--FRJ, GMA News