Marami ang lubhang abala sa kanilang trabaho kaya wala nang panahon na alagaan ang kalusugan at mag-ehersisyo. Gayunman, sa kabila ng pagiging busy, naisisingit naman kahit papaano ang "sexy time" kasama ang "the one." Pero puwede kayang ituring na ehersisyo na rin ang pagtatalik?
Ayon sa American Heart Association (AHA), ang isang adult ay dapat makapag-ehersisyo nang hindi bababa sa 150 minuto ng moderate exercise o 75 minuto ng vigorous activity, o kumbinasyon ng dalawa, bawat linggo. Ang pinakamainam kung magawa ito sa buong linggo.
Ang moderate activities—katulad nang mabilis na paglalakad o pagsasayaw—ay nagpapabilis ng paghinga ngunit kaya pa ring magsalita nang maayos.
Samantalang ang vigorous activities, tulad ng pagtakbo o paglangoy, nagpapataas ng heart rate at magiging mahirap nang magsalita.
Dahil sa mas nagiging mataas na heart rate at mabilis na paghinga kapag nakikipagtalik, maaari na bang ituring na workout ang sex?
Sex bilang cardio
"Since there is a physical movement, sexual activity can count as a workout, but its impact depends on factors like intensity, duration, and the individual's physical condition,” pahayag ni Assoc. Prof. Donald Manlapaz, isang physical therapist at Doctor of Philosophy sa Physiotherapy, sa panayam ng GMA News Online.
“On average, a man's heart rate during sexual activity seldom exceeds 130 beats per minute, and his systolic blood pressure typically stays below 170, which categorizes it as mild to moderate in terms of exercise intensity,” paliwanag ni Prof. Manlapaz.
Sumasang-ayon ang isang sports scientist at researcher mula sa UST, na humiling na huwag sabihin ang kaniyang pangalan.
“Physiologically, sex can be considered a form of exercise as it induces bodily changes similar to those experienced during physical activity," saad niya.
Isa sa paraan ng pagsukat ng ehersisyo ay ang METs — metabolic equivalent of task — o kung gaano karaming enerhiya o lakas ang nauubos sa isang pisikal na aktibidad.
Ang moderate activities ay nagsusunog ng tatlo hanggang 5.9 METs, habang ang 6 METs o mas mataas ay itinuturing nang vigorous activities.
“In terms of oxygen consumption, it approximates 3.5 METs, which measures how much energy you burn for a physical activity. It’s comparable to activities like dancing, raking leaves, or playing table tennis. This translates to roughly five calories burned per minute, exceeding sedentary activities like television watching but similar to leisurely walking,” paliwanag ng sports scientist.
Nagbibigay din umano ang sex ng katulad na benepisyo ng pag-e-ehersisyo. "Sex can improve blood pressure and improve over-all heart and lung function,” ayon kay Dr. Hubert Philippe Co, physical medicine and rehabilitation specialist sa Health Hub Pro Clinic Banawe QC, Inc.
Idinagdag ni Dr. Hubert, na nagdudulot ng paglabas ng endorphins at dopamine ang pagtatalik, ang happy hormone, na maaaring magdulot ng maayos na pagkalahatang pakiramdam.
Sabi pa niya, ang endorphin rush ay pareho ng "runner’s high" na nararanasan ng mga tao pagkatapos tumakbo.
Ayon sa sports scientist, ang sinumang "fit" na madaling makakaakyat ng dalawa o tatlong palapag ay karaniwang kayang-kaya ang sexual activity nang walang kahirap-hirap.
Ingat lang sa injury
Gaya ng mga ehersisyo, may peligro din sa pagtatalik. Ang mga "awkward" na anggulo o labis na galaw ay maaari umanong magdulot ng pananakit at punit sa genital area, muscle strains, joint pain, o kahit back injuries.
Ang mga karaniwang sanhi? Mabagal na flexibility, kakulangan sa paghahanda, at pagsubok ng mga bagay na lampas sa kakayahan o athleticism.
Upang maiwasan na magka-injury, tratuhin ang pagtatalik tulad ng anumang workout: Mag-stretch bago magsimula, makipag-usap sa partner, at alamin ang mga limitasyon. At kung may hindi maganda sa pakiramdam, makinig sa katawan at magpahinga.
Pero kahit maituturing na moderate intensity exercise ang pagtatalik, hindi ito laging kuwalipikado bilang ehersisyo sa lahat ng pagkakataon.
“If the definition of exercise emphasizes long-term, beneficial physiological adaptations, then sex may not always qualify,” ayon sa sports scientist.
“This is because for most individuals, the duration and frequency of sexual activity aren’t enough to produce significant, lasting physiological changes as those achieved by regular exercise routines,” paliwanag niya.
Ang calories na nasusunog habang nakikipagtalik ay nag-iiba depende sa mga factor tulad ng fitness level, ang posisyon, intensity ng aktibidad, at tagal nito.
Sumasang-ayon dito si Prof. Manlapaz. "On the one hand, it’s not as structured or sustained as traditional workouts like running or strength training.”
Inihahalintulad niya ito sa exergaming, na ang gaming ay nagiging ehersisyo. Kailangan ng isang tiyak na antas ng exertion upang matugunan ang mga layunin sa ehersisyo.
Paano magiging epektibo?
Kung seryoso na gawing workout ang sex, ito ang kailangan: Dapat itong maramdaman tulad ng pag-e-ehersisyo. Ang heart rate ay dapat tumaas, dapat maging mabilis ang paghinga, at kailangan gawin nang hindi bababa sa 10 minuto.
Inirerekomenda ng AHA ang 150 minuto kada linggo ng moderate activity, Kaya kung umaasa sa intimacy para punan ang quota na iyon, kailangan magbigay ng pinakamahusay na "performance."
Inirerekomenda ng sports scientist ang pagpili ng mga muscle-strengthening activities na tumututok sa lahat ng pangunahing grupo ng kalamnan sa moderate o mas mataas na intensity nang hindi bababa sa dalawang beses sa isang linggo. Sa paraang ito, makukuha ang pinakamalaking benepisyo mula sa ehersisyo.
Kung seryoso sa gawing bahagi ng workout ang "sexy time," mag-focus sa mga posisyon na nangangailangan ng higit na effort at magpalit-palit ng mga posisyon na mapapakilos ang iba’t ibang grupo ng kalamnan. Ang ilan ay nangangailangan nang higit na lakas sa lower body, habang ang iba ay maaaring mag-focus sa upper body o core.
Pumili ng mga posisyon na nangangailangan ng paggalaw o bodyweight resistance, tulad ng nakaluhod o nakatayo para gumalaw ang mga kalamnan at mapataas ang intensity.
Ang standing positions o mga posisyon na kailangang buhatin ang partner ay maaaring magbigay ng dagdag na hamon at magpataas ng heart rate.
Ayon kay Prof. Manlapaz, bagaman maaaring magdagdag sa isang malusog at aktibong pamumuhay ang "sexy time," paalala niya, "It shouldn't replace regular, structured workouts if you're aiming to meet specific fitness goals.”
Ano ang maaari pang gawin?
Maaaring gawin ang pisikal na aktibidad sa iba't ibang paraan. Ito man ay tradisyunal na workout o masasabing mas creative. Ang mahalaga ay ang maigalaw ang katawan.
Marami pang ibang paraan upang manatiling aktibo kasama ang partner, hindi lang puro "sexy time." Maaaring umakyat ng bundok sa weekend, pagbibisikleta sa inyong lugar, o maglakad sa may magandang paligid gaya ng UP Diliman.
Maaari ding makatulong sa pagsunog ng calorie sa katawan ang mga gawain sa bahay. Katulad ng paglilinis ng bahay, pagtatanim, o pag-aayos ng kasangkapan.
Ayon sa sports scientist, kung nais na makakuha ng mas maraming benepisyo sa kalusugan, dapat lampasan ang minimal requirements ng AHA, at magtakda ng mas mataas sa 300 minutong moderate-intensity activity bawat linggo.
Ang susi ay ang paghahanap ng mga aktibidad na angkop sa iyong lifestyle na puwedeng tuloy-tuloy na gawin upang maging mabuti ang pakiramdam. Sa pamamagitan man ito ng "sexy time," adventure, o araw-araw na mga gawain. Ang bawat bahagi ng pisikal na aktibidad ay makatutulong para maging maganda ang kalusugan. -- mula sa ulat ni Rachel Ann Tee-Melegrito/FRJ, GMA Integrated News