Kasunod ng napaulat ng umano'y pananakit ng fiancé sa vlogger-DJ Jellie Aw, ibinahagi ng Vivamax star na si Jenn Rosa na nakaranas din siya ng pambubugbog noon sa ex-boyfriend.

Sa isang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda," hiningan ng King of Talk sina Jenn at Yen Durano ng kanilang pananaw tungkol sa pisikal na pananakit ng karelasyon sa babae.

BASAHIN: Jellie Aw, nagsampa ng reklamo sa NBI laban sa kaniyang fiancé

Ayon kina Jenn at Yen, "red flag" ang pananakit ng lalaki sa isang babae kaya dapat kumalas na sa ganoong relasyon.

Sinabi ni Jenn na naranasan na rin niyang saktan siya physically ng ex-nobyo at dumugo ang kaniyang ulo dahil sa bugbog.

“Para sa'kin, dapat kayong mga girls, tapangan niyo.'Pag nakaranas na kayo ng kahit konting pisikal, kasi sign na 'yun, e. Red flag na 'yun, girls, magtutuloy-tuloy sila kapag once na pumayag kayong saktan kayo," payo ni Jenn.

Si Yen, hindi pa naranasan na pisikal na saktan ng karelasyon. Pero ipinaalala niya na labag sa batas ang manakit ng babae.

"For me, [kung] maranasan ko 'yun, baka umisa lang ako and then, aalis na 'ko,” saad niya.

Sa ngayon, sinabi ni Jenn na single siya mula nang magpasyang pumasok sa Vivamax.

“Kasi nu'ng nag-decide ako nu'ng pumasok ako ng Vivamax, no jowa talaga. Kasi, siyempre, hindi ko mabibigay 'yung lahat ko, Tito Boy, 'pag sa scene kasi iisipin ko siya, e,” paliwanag niya.

Si Yen naman, bagaman "taken" na, nagbiro na kung minsan ay "taken for granted” din siya. --FRJ, GMA Integrated News