Pagdating sa usapin ng pag-ibig, may mga nag-iisip na konektado nito ang pakikipagtalik o sex bilang "patunay" ng kanilang pagmamahal. Pero ano nga ba ang dapat gawin ng babae kapag humirit ng sex ang karelasyon tulad sa linyang, “Kung mahal mo ako, patunayan mo."

Pananaw ng mga nakatatanda

Para sa kanilang date ngayong Valentine’s Day, masaya na sa isang simpleng hapunan ang mag-asawang Tatay “Jethro,” 62, at Nanay “Catherine,” 63, mga hindi nila tunay na pangalan, na mag-35 taon nang kasal.

Ikinasal noong 1990, parehong naniniwala ang mag-asawa sa kasagraduhan ng kasal.

“Kasi ang pananaw ko sa kasal, in-institute na ng ating Panginoong Diyos noong panahon pa ni Adam and Eve. Although siyempre, wala ‘yung ceremonies pero pinagsama silang dalawa, made one. That's why a man would leave his family and be with his wife,” saad ni Jethro.

“Sabi nga sa Bible na kung sino man ang pinag-isa ng Panginoon ay hindi dapat maghiwalay. So naniniwala ako na kailangan talaga ang kasal,” dugtong naman ni Catherine tungkol sa pananaw ng kaniyang asawa.

BASAHIN: Pinoy celebrity couples na piniling magpakasal muna bago magsiping

Para kay Jethro, hindi lamang basta “piece of paper” ang kasal, gaya ng pananaw ng iba.

“Tumama ka sa lotto, let's say P108 million, bibigyan ka ng tseke. Tapos sasabihin ng kaibigan mo, ‘Punitin mo ‘yan, papel lang naman ‘yan.’ Pupunitin mo ba? Hindi, kasi alam mo ‘yung halaga, alam mo ‘yung value,” paliwanag niya.

Sa kabila nito, ginagalang niya ang mga ganoong pananaw.

“Hindi ko masasabi na mali sila, tama ako. ‘Yun ang pananaw nila eh. Gano’n sila pinalaki eh. Iyon ang napaniwalaan nila, siguro walang nagturo sa kanila, walang nagsabi, walang nag-guide, kung ‘yun ang kanilang thinking. So be it,” sabi ni Jethro.

Binanggit naman ni Catherine na ilang kabataan ngayon ang mapupusok, “aggressive” o hindi makontrol ang kanilang mga damdamin pagdating sa relasyon. Ito ay dahil na rin sa mga makabagong teknolohiya gaya ng mga napanonood sa social media o pornography.

 

 

Hindi sang-ayon ang mag-asawa sa sinasabi ng ilan sa kanilang mga partner na “Kung mahal mo ako, patunayan mo. Magsiping tayo.”

“Ilagay mo sa lugar [ang sex], ‘wag mo, babastusin, ‘wag mo sasalaulain, sacred ‘yan for the sole purpose of procreation,” sabi ni Jethro. “Malaking pagkakamali ‘yan, malaking kasalanan ‘yan.”

“Bilang Christian, hindi ako naniniwala sa gano'n. Siyempre, kasal muna bago ang lahat, bago ‘yung sex na yan. So, hindi ako naniniwala na, siyempre, kung may mga lalaki na gano'n ang pananaw nila na parang sa tingin nila ‘pag binigay mo ‘yung pagka babae mo, eh patunay na mahal mo. Sa akin, mali naman ‘yun, hindi naman dapat na ganoon. Puwede mong mapatunayan na mahal ka sa ibang paraan, hindi dahil sa sex or ano,” sabi naman ni Catherine.

Isinalaysay nina Jethro at Catherine kung paano dapat ipinakikita ang pagmamahal sa isa’t isa.

“"Nandiyan 'yung care, 'yung trust 'yung supportive, helpful, para maipakita mo, hindi lang 'yung puro ka financial, 'yung wala kang pakialam. Tsaka 'yung love, give and take 'yan eh. Kasi kumbaga, kayong dalawa, as a team, hindi puwedeng isa lang. Talo kapag isa lang, dapat kayong dalawa, you should work hand in hand para maging successful ang inyong married life," sabi ni Jethro.

“‘Yung pag-aalaga mo at pag-aasikaso mo sa kaniya, kailangan pagsilbihan mo. Give and take,” sabi ni Catherine. “Hindi lang naman talaga sa pakikipag-sex para patunayan ‘yung mahal mo. Siyempre, part din ‘yun. Pero, andu’n pa rin ‘yung pagiging faithful mo. Pag-alala mo sa kaniya, at saka lalong higit ‘yung respeto niyo sa isa't isa.”

Pananaw ng millennial couple

Pinahahalagahan din ng magkasintahang millennials na sina “Luis,” 34, at “Eva,” 32, mga hindi rin nila tunay na pangalan, ang kasal.

“Iba pa rin ang may basbas kayo sa Panginoon,” sabi ni Luis.

“Bilang isang babaeng millennial, naniniwala ako na sagrado ang kasal kasi hindi lang ito tungkol sa iyo at ng mapapangasawa mo, tungkol ito sa iyo, ng mapapangasawa mo at sa Diyos," pahayag ni Eva.
"Nanunumpa kayong dalawa sa harap ng Diyos. ‘Di rin ito simpleng pagbabasbas lang sa mag-asawa, basbas ito na nagmumula sa Diyos. Basbas na nagsa-sanctify sa mag-asawa upang maihanda at matulungan sila sa bokasyon na tatahakin nila. Kaya gano’n ka sagrado ang kasal,” patuloy niya.

Si Eva, ibinahaging nakaranas dati sa ibang lalaki na isuko ang kaniyang pagkababae para patunayan ang kaniyang pagmamahal.

“Kesyo ganito, ganiyan, ang daming mga rason tsaka ‘pag ‘di mo ibibigay ang gusto, sasabihan ka na ‘Di mo talaga ako mahal.’ Tapos naggagalit-galitan, nagtatampo. Doon pa lang, masi-sense ko na kung ano lang ‘yung habol e kaya split na kaagad,” kuwento niya.

“Red flag na red flag ang ganoong klaseng lalaki kasi para sa akin, hindi talaga tama na ‘yon ang maging basehan ng love. At very wrong ang mga ganitong hirit kasi never masusukat ang love sa pagbibigay ng katawan sa isang lalaki. Kasi kung mahal ka talaga, igagalang ka niya, igagalang niya ‘yung katawan mo, ‘yung pagkababae mo,” dagdag ni Eva.

Dahil sa ibinahagi ng kaniyang nobya, sinabi ni Luis na iiwasan niya ang mga ganoong kataga.

“Hindi ko na lang din sasabihin. Marami namang paraan para mapakita mo ang pagmamahal mo sa partner o asawa mo,” anang binata.

“Hindi sex ang patunay ng pagmamahal eh. Aside from the physical touch marami pang love language at para sa akin maipakikita ko ‘yung love sa partner ko is through words of affirmation, quality time namin together, nirerespeto ko siya, faithful ako sa kaniya at higit sa lahat, ‘yung pinagpi-pray ko siya palagi at mga mahal niya sa buhay,” ani Eva.

Pananaw ng eksperto

Sa panayam ng GMA News Online, inilahad ng psychologist na si Dr. Anna Tuazon na marami pa rin sa mga Pilipino ang naniniwalang sagrado ang pakikipagtalik sa loob ng kasal.

Gayunman, marami na ring mga Pilipino, lalo ang mga nakababatang Pilipino, na ang pakikipagtalik o sex ay hindi lamang nakapaloob sa isang kasal.

BASAHIN: Maituturing bang ehersisyo ang pagtatalik?

“So, marami na tayong iba't ibang kahulugan pagdating sa sex. Hindi lang siya necessarily marriage, hindi lang siya necessarily procreation, actually, hindi rin siya necessarily tungkol sa pag-ibig. Some, basta between consenting adults, it can be more of pleasurable transaction. Nag-agree sila, pero hindi ibig sabihin na committed sila, na mahal nila ang isa't isa,” sabi ni Dr. Tuazon.

Ayon sa kaniya, marami nang mga kultura at nakagawian noon pa man ang nagpapakitang hindi lamang nakapaloob sa kasal ang pakikipagtalik.

Dagdag ni Tuazon, ang kasal ay hindi agad nangangahulugang tungkol sa pag-ibig, kundi isang “economic agreement” sa pagitan ng dalawang indibiduwal. Kung kaya ang pakikipagtalik sa loob ng kasal ay isang “relatively recent norm” o value na lamang.

“Na-realize natin, hindi lang pala siya kailangang nakakahon sa kasal. It is to understand that humans are sexual beings. Hindi naman tayo nagkakaroon ng sexual desire, sexual need, the moment kinasal tayo. That is there, that is part of the maturation process, 'yung adult process,” ani Dr. Tuazon.

Ipinunto niyang marami na ngayon ang may pananaw tungkol sa kasarian at sekswalidad, kung kaya maraming paraan para magkaroon ng isang relasyon o commitment.

Bukod dito, tumataas din ang bilang ng mga nagsasama sa iisang bahay na hindi kasal, o tinatawag na cohabitation o live in.

BASAHIN: More Filipino women choose live-in arrangement over having a wedding — survey

Red flag

Dahil ang pakikipagtalik ay may iba’t ibang depenisyon at hindi lamang nakakahon sa kasal o pag-ibig, nangangahulugan lamang din nito na hindi lamang pakikipagtalik ang tanging pamamaraan ng pagpapakita ng pag-ibig sa isa’t isa.

“So, actually, para sa akin, as a clinician, 'pag sinasabihan ang clients ko ng kanilang partner na, ‘Kung mahal mo ako, patunayan mo, makipag-sex ka sa akin.’ Red flag 'yun,” sabi ni Tuazon.

“Red flag kasi hindi lang naman sex ang form of loving expression. In fact, hindi nga siya necessarily konektado sa love. So maraming iba't ibang ways na maipapakita natin na mahal natin ang isa't isa.”

Sa isang ulat noong 2024, inihayag ng isang Commission on Population and Development na tumataas ang bilang ng mga kabataan at menor de edad na nabubuntis dahil ginagawang "regalo" ang pakikipagtalik para sa "monthsaries."

Pero ayon kay Tuazon, mas naririnig niya pa ang naturang linya sa mga may asawa na.

“Even if kasal kayo, hindi ibig sabihin karapatan mo nang kulitin or i-pressure or 'pag hindi nakipagtalik sa 'yo that day or that week 'yung asawa mo, hindi ka na niya mahal,” ayon kay Tuazon.

Dagdag niya, matatawag na rin itong sexual coercion, o may pamimilit o pressure sa partner.

“Pino-force mo, nape-pressure mo ang tao, ang isang partner, na ‘Kung 'di mo ito gawin, hindi mo ko mahal.’ And it's absolutely not true. And that is sexual coercion, which is a form of sexual abuse,” dagdag niya.

Kaya kung nakaranas na masabihan ng mga ganitong kataga mula sa asawa, partner o kasintahan, dapat agad magbigay ng pagtatama na hindi pakikipagtalik o sex lang ang paraan para ipakita ang pagmamahal. Bukod dito, ang sex ay dapat “freely given” at “mutually desired.”

Mas mainam na pagpapakita ng pagmamahal

Kung hangad na gawin ang pakikipagtalik o sex sa asawa, kasintahan o partner, mas maigi na kunin na lamang ang kaniyang pagpayag o consent.

“Dapat masanay tayo na nagtatanong tayo with respect, nagre-request tayo with respect. Dahil sex ang hinihiling mo, mag-request tayo na may kasamang lambing, may kasamang offering of romance and love, gawain natin even the process of asking for consent to be a mutually enjoyable process,” payo ni Tuazon.

 

 

Ipinunto ni Tuazon ang ilan sa kultura ng mga Pilipino na nagpapakita ng pag-ibig sa kanilang mga asawa o kasintahan.

“Be romantic. Ito sa Pilipino, ligawan mo, lambingin mo. Marami tayong culturally acceptable ways… i-shower mo ng affection, flowers. Nako, kung babae, sa babae ka humihiling, i-offer mong alagaan ang mga bata. Maghugas ka ng plato, magluto ka ng pagkain,” payo pa niya.

Dagdag pa niya ang mga papuri, pagbibigay ng panahon, at pagpapahalaga o empathic concern.

“In other words, kailangan marunong tayong makinig, mag-attune, makiramdam kung anong nangyayari sa ating partner, kung anong kailangan nila, stressed ba sila.”

Pagdating din sa kultura ng mga Pinoy, sinasabing ang pinakamainam na ekspresyon ng pag-ibig ay ang tanong na “Kumain ka na ba?” o pagluluto at paghahain ng pagkain.

Bukod dito, mahalaga rin ang paghahasa ng galing o skills pagdating sa pag-ibig.

“Sa psychology, 'pag sinabi mong mahal mo ang tao, ibig sabihin, willing kang i-develop 'yung skills mo sa pagmamahal. Kasi it's a skill, hindi lang siya emosyon," ayon kay Tuazon. "Love is not just an emotion. So, and even if you want to love somebody, you may not have the skills at that moment.”

Kaya ang kakulangan sa pagpapakita ng pag-ibig ang isang posibleng kadahilanan kung bakit tumatanggi sa pakikipagtalik ang asawa o partner.

“Kasi kung hindi ka rin pinapansin, lalo ni misis, kung hindi ka pinapansin masyado sa kama, sa pagtatalik, isipin mo, baka hindi rin feeling appreciated si misis. So kung 'yun ang gusto mo, kailangan i-level up mo rin 'yung skill mo roon,” saad ni Tuazon.

“So, surely sa akin, ang mas important is nagde-develop ko ba 'yung skill para mas, ‘I can love you better.’ So, I can love you more effectively,” dagdag pa niya. -- FRJ, GMA Integrated News