Matinding pighati ang nararamdam ng isang pamilya matapos masawi ang 59-anyos nilang padre de pamilya nang makabanggaan ng minamaneho nitong motorsiklo ang isang pickup truck sa Pasay City habang papasok sa trabaho.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa intersection ng Bayshore Avenue at Diokno Boulevard sa Pasay City noong umaga ng Linggo.
“Yung nabanga yung tatay ko, tinatawagan siya ng pinsan ko. Tapos enforcer po pala ‘yun, sabi nadisgrasya yung tatay ko. Tinawagan din ako ng pinsan ko, kaya pumunta po ako doon agad. Na-shock po ako, hindi ko alam yung gagawin ko,” ayon sa anak ng biktima.
Idineklarang dead on arrival ang biktima nang dalhin sa ospital.
Naghahanda na sana ang pamilya para sa selebrasyon ng ika-60 taong kaarawan ng biktima sa Mayo.
“Malambing siya, mabait siya sa akin pati sa ibang kapatid ko,” ayon sa anak.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na parehong kakanan ang biktima at pickup sa intersection nang mangyari ang insidente.
“At that time na mag go-go, naka-move ng 3 to 5 meters yung Hilux, naramdaman niya, umangat yung kaliwang gulong niya sa front, ayun na 'yon, nangyari na yung bungguan nila,” sabi ni Police Captain Alvin Bagay, Pasay Vehicular Traffic Investigation head.
Ipinaliwanag umano ng driver ng pickup na hindi niya napansin ang biktima. Pero lumilitaw umano sa medical examination sa driver na nakainom siya nang mangyari ang insidente.
“Base sa record namin, dahil pina-medical namin, may content ng alak yung tao. According dun sa mga kasama nila, kumain daw sila sa restaurant. Yung girlfriend niya sabi niya na nakainom din siya ng kaunti,” ayon kay Bagay.
“Nakakagalit kasi bakit nagda- drive ng lasing? Definitely, magpu-pursue kami ng case kasi namatay tatay ko. So dapat lang na may hustisya yung tatay ko,” giit ng anak ng biktima.
Umaasa ang pamilya ng biktima na makakakuha sila ng iba pang ebidensiya sa nangyari sa kanilang ama tulad ng dashcam videos mula sa ibang sasakyan na maaaring nakakita sa pangyayari.
Nahaharap ang driver ng pickup sa mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide, damage to property, at driving under the influence of alcohol. —FRJ, GMA Integrated News