Nagsampa na ng reklamo ang disc jockey at influencer na si Jellie Aw sa National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kaniyang fiancé na inakusahan niya ng pambubugbog.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing isinampa ni Jellie sa NBI headquarters kanina ang reklamo kaugnay sa nangyaring pananakit sa kaniya.
Hindi muna nagbigay ng pahayag si Jellie pero sa kaniyang post sa social media, nagpasalamat siya sa lahat ng mga nagpaabot sa kaniya ng panalangin at suporta.
Magkakaroon naman ng press conference ang NBI sa Biyernes kaugnay sa kaso ni Jellie.
Nitong Miyerkules, makikita sa post ng kaibigan ni Jellie na si Christian Tugado, ang mga larawan ni DJ na duguan at may sugat dahil umano sa tinamong pananakit mula sa nobyo nito.-- FRJ, GMA Integrated News