May bagong atraksiyon sa turismo ang Maragondon, Cavite na Balsa River Cruise na maaaring mag-wakeboarding ang mga bisita. Kayanin kaya ito ni Shaira Diaz?
Sa programang "Unang Hirit," sinabing pinaparentahan ang malaking balsa na gamit sa river cruise sa Maragondon river.
Hanggang 15 katao ang puwedeng sumakay sa balsa at maglalayag ito ng dalawang oras sa ilog--papunta at pabalik.
Sa balsa, maaaring mag-picnic, mag-relax at magmuni-muni ang mga turista.
Bukod sa paliligo sa ilog, puwede ring mag-rubbing tubing at wakeboarding na hahatakin ng bangkang de-motor.
Si Shaira, first time na susubukan ang wakeboard na hinahatak ng bangka bagaman nasubukan na niya noon ang wakeboard na naka-cable.
Sa unang subok, ilang beses na natumba at hindi nakatayo sa wakeboard ang aktres. Pero hindi nagtagal, nakuha rin niya ang tamang balanse.
Kitang-kita kay Shaira na nag-enjoy sa naturang river cruise sa Cavite na hindi kalayuan sa Metro Manila. Panoorin ang video at alamin ang ibang detalye tungkol sa naturang pasyalan.--FRJ, GMA News