Dahil na rin sa pandemic, naapektuhan ang trabaho ng anim na overseas Filipino workers (OFW) na nagba-banda sa Malaysia. Pero pinili nilang manatili muna sa naturang bansa at mahigit isang taon na silang walang permanenteng trabaho.
Unang natawagan ni Willie Revillame sa "Wowowin-Tutok To Win" ang band member na si Justin, na ikinuwento ang kalagayan nila sa Malaysia.
Ayon kay Jesril, mahigit isang taon na silang walang trabaho at umuutang na muna sa kanilang amo para kahit papaano ay may maipadala sila sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
Iniisip din umano nila na mahihirapan din silang makahanap ng trabaho sakaling umuwi sila sa Pilipinas sa panahon ngayon ng pandemiya.
Dahil tulog ang iba pang miyembro ng banda ni Jesril, ipinagpaliban ni Kuya Wil ang pagkausap sa kaniya at muling tinawagan kinabukasan sa episode.
At nang muling makausap ni Kuya Wil, sinabi ni Jesril na sa pagkakataon ito ay hindi na sila natulog ng kaniyang mga kabanda para abangan ang kaniyang tawag.
Dito na inihayag ng TV host na bukod kay Jesril na binigyan niya ng P25,000, makatatanggap din ng tig-P10,000 ang mga kasama niya.
Ayon kay Kuya Wil, pinili niyang makausap ang lahat ng miyembro ng banda dahil nais niyang mabigyan din sila ng tulong at hindi lang si Jesril.
Panoorin ang episode na ito sa video ng "Wowowin-Tutok To Win." --FRJ, GMA News