Kung dati ay nakakagastos siya ng P500 sa isang araw lang, ibinahagi ng komedyanteng si Atak na ginawa niya ang "tipidity diet" na P500 hanggang P700 lang ang budget niya sa pagkain sa loob na ng isang linggo para makatipid at makapag-diet.
Sa programang "Mars Pa More," ipinakita ang isang Instagram post ni Atak, na inihanda niya ang 12 piraso ng beef na may kasamang mga brocolli na kakainin niya para sa buong isang araw.
Nagulat ang mga host ng programa nang malaman na buong araw nang pagkain ni Atak ang nasa larawan na kung tutuusin ay kayang ubusin sa isang meal lang.
"Diet ito na budget kasi nga 'tipid' dapat ako. Kaya 'yung serve na 'yon, buong araw ko iyong kinain. Kunwari apat muna na piraso, tapos isang cup ng rice mula umaga. Morning ko niluto 'yun eh, 7:30., tapos may pang-lunch ako diyan at may pang-dinner ako diyan. So that's complete talaga na 'tipidity,' tipid," kuwento ni Atak.
"Nag-lose naman talaga ako ng weight kasi nga ang budget ko for a week ay P500 to P700 lamang. So 'yun ang pinapagkasiya ko the whole week," sabi pa ng komedyante.
Natuto raw si Atak na maging madiskarte sa pera nang magkaroon ng pandemya, at naging maingat din siya sa kaniyang mga kinakain.
"Noong... normal pa tayo, ang order natin ay isang orderan, P300, P400, P500, or even sa mga steak nga 'di ba more than P1,000. Pero sabi ko 'Lord, this time na nagkaroon ng pandemic, kailangan ko talagang maging steward kung ano na lang mayroon ako, iba-budget ko talaga nang tama para maka-survive ako," saad niya.
Ginagawa ito ni Atak para mapabuti rin ang kaniyang kalusugan.
"One month din siya. Tapos after that, nag-shift naman ako to puro gulay na lang. 'Yung okra, kangkong na steamed lang lahat, tapos may kaunting salt at saka vinegar. Ayoko na 'yung may iba pang palamuti na talagang maalat. Kasi nga 'di ba may maintenance na ako. So para ma-adjust ko rin 'yung sarili ko, paano ko lalabanan ito," paliwanag niya.
Bukod dito, mag-isa lang din siya sa kaniyang tinutuluyan kaya kailangan niya ng allotment para sa kaniyang budget.
"Actually Mars, sa inyong dalawa sa Mars, nakailang diyan, sampung beses akong nag-guest. Ang dami kong natutunan sa inyo diyang mga budgetting," pagpapasalamat ni Atak sa Mars Pa More. --FRJ, GMA News