Lubos nang gumaling si Khalil Ramos matapos siyang magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), habang negatibo naman ang kaniyang close contact at girlfriend na si Gabbi Garcia.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing tinamaan si Khalil ng COVID-19 noong Marso.
"I had very, very mild symptoms. May kaunting hingal tsaka nangati 'yung throat ko nang kaunti, tsaka headaches. 'Yung headache na migraine, pero hindi ako nagkalagnat at hindi rin tumuloy sa ubo," sabi ni Khalil.
Sa kabutihang palad, hindi naman nahawaan ni Khalil ang kaniyang pamilya.
Kinailangan ding mag-quarantine ni Gabbi na naging close contact ng kaniyang nobyo pero naging negative naman ang test result nito.
"She also had to undergo quarantine. Pero thankfully, never siyang nag-positive actually. And her whole family also is safe so buti na lang," ayon pa kay Khalil.
Nitong Abril 8, naging COVID-free na si Khalil matapos magnegatibo sa kaniyang RT-PCR test.
Muli na rin silang nagkita ni Gabbi, na na-inspire naman sa bayanihan ng community pantry kaya tumulong din siya na magtayo nito sa kanilang lugar.
"Sinabi ko sa parents ko na nakaka-inspire naman ito. Noong una sabi ko 'Sige let's start small. Meron kasi kaming regular na nagtitinda ng gulay dito sa village namin pati ng sorbetes, sabi ko, 'Kunin ko na lang muna, bilhin ko na lang muna lahat ng tinda nila for the day.' The next day ginawa na namin, naglatag na kami ng tent," sabi ni Gabbi.
"Ayun 'yung nakakatuwa. Kasi ang daming donations, overflowing 'yung donations na dumadating," ayon pa kay Gabbi.
Natutulungan ngayon nina Gabbi ang mga delivery rider, security guard at mga kapos-palad na pumapasok sa kanilang village sa Parañaque.
"If you want to help then okay, thank you. But if you don't want to help tapos may masasabi ka pa, let's not spread negativity na lang. Let's help each other go through this pandemic," sabi ni Gabbi.--Jamil Santos/FRJ, GMA News