Nagbalik-tanaw si Kim delos Santos sa huli niyang pagbisita sa Pilipinas noong 2017, kung kailan pumunta pa siya sa Eat Bulaga para makita si Maine Mendoza. Ayon sa dating aktres, hindi niya ikinahihiya ang pagiging fan niya ng "AlDub."

"Fan ako! Nagsimula 'yan dahil sa 'Tamang Panahon.' Naging fan ako ng AlDub. As in first time kong ma-experience na talagang nanunood ako," sabi ni Kim sa online talk show na "Just In."

Kuwento ni Kim, bumisita siya sa Eat Bulaga at agad siyang nakilala ng guwardiya. Pero dahil sa mga patakaran ng security, hindi siya pinaakyat.

"Talagang sabi ko 'Hindi ako pinapaakyat,' sabay nahihiya siya sa akin kaya lang hindi niya ako mapaakyat," sabi ni Kim.

Sa kabutihang palad, nakita siya ni Sunshine Dizon.

"Thank God Sunshine was there. So when she found out that I was downstairs, kasi wala naman akong contact numbers ng mga artista, hindi naman ako artista eh. So Sunshine was the one, sabi niya 'Paakyatin niyo si Kim, nandiyan pala sa baba."

 

"And then ate Donita (Rose) was there too. Ate Donita had a portion and then she came down and then she let them know again, kaya ko nalaman na andu'n si Sunshine, because ate Donita was the one. And then she let me go upstairs," pagdagdag ni Kim.

"So fan na fan talaga ang peg ko noon."

Matatandaang "fangirl mode" noon si Maine nang makita ang dating TGIS star.

Gayunman, si Kim din mismo ang nag-"fan girl" kay Maine.

"Natutuwa ako sa kaniya kasi 'yung mga artista na walang... Basta, trip ko, trip ko siya," ayon kay Kim, na isa nang nurse sa Amerika.

"Hanggang ngayon fan naman ako kaya lang hindi na as much as 'yung katulad dati na 'pag nanonood ako, kahit nasa dialysis kami, mga kapwa kong nurse pare-pareho kaming nagtu-tweet tweet ng kung anu-ano 'Sa Tamang Panahon.'"

Pag-amin pa ni Kim: "Nag-open ako ng Twitter account para lang diyan. Tingnan mo hindi ako nagtu-tweet simula noong nawala 'yun."

Proud si Kim na maging fan ng AlDub, na "phenomenal" noong panahon na iyon.

"Naging fan ako, hindi ko na ikinahihiya," sabi ni Kim. —LBG, GMA News