Ngayong isa na siyang Kapuso artist, binalikan ni Elle Villanueva ang kaniyang humble beginnings tulad ng pagiging extra, hanggang sa maabot niya ang kaniyang pangarap.
Sa panayam sa kaniya ng GMA Regional TV Early Edition, sinabi ni Elle na hindi niya kaagad naabot ang pangarap niyang mag-artista.
"Hindi ko pa po siya pinursue (pursue) agad-agad kasi naging strict po 'yung parents ko and they wanted me to graduate first before pursuing this career because there's a lot of risk. Being artista ka, hindi mo alam kung sisikat ka o hindi. So right now I'm taking that risk, and trying to be brave especially during this pandemic," ayon sa dalaga.
Gayunman, inunti-unti niya ito at sinimulan sa paglabas sa mga commercial.
"Actually I started from the bottom talaga. Naging extra ako noong una, pa-extra-extra lang sa commercials and then nakatanggap na ako ng support role, hanggang sa naging lead role," kuwento ni Elle.
Kung kaya "grateful" at "blessed" kung mailalarawan ni Elle ang kaniyang pagiging artista sa Kapuso Network.
Napanood na si Elle sa ilang Kapuso shows, tulad ng drama anthology series na "Magpakailanman."
"'Yung mga natutunan ko from before naa-apply ko siya like dapat mas magaan ka katrabaho, wala kang natatapakang ibang tao throughout the way na papunta mo sa pagiging successful," sabi ni Elle.
"And dapat tiwala ka lang talaga sa sarili mo kahit ilang beses kang madapa, kailangan mo lang pulutin 'yung lesson. Ipagpatuloy mo 'yung dream mo," dagdag niya.--FRJ, GMA News