Big winners ang "Aswang" at "Babae at Baril" sa 2020 FAMAS Awards na ginanap online nitong Linggo ng gabi.

Ang war on drug film na "Aswang" ang itinangghal na best picture, best documentary, at best editing, habang ang "Babae at Baril" na pinagbidahan ni Janine Gutierrez ang nagwaging best scoring, at best production design.

Nagtabla rin ang dalawa pelikula sa best cinematography award.

Si Janine naman ang nanalong best actress.

Tabla naman sina Elijah Canlas at Kristoffer King para sa best actor award para sa pelikulang pinagbidahan nila na "Kalel, 15" at "Verdict," ayon sa pagkakasunod.

Ang "Aswang" ay idinerek ni Alyx Arumpac, ang unang documentary film na nanalo ng FAMAS Award for Best Picture.

Samantala, si Rae Red naman ang nagdirek ng “Babae at Baril,” na isang psycho-thriller tungkol sa isang saleslady na nakapulot ng baril.

Itinanghal na best director si Raymund Ribay Gutierrez ng pelikulang "Verdict."
Best supporting actress si Dolly de Leon sa "Verdict, at best supporting actor si Ricky Davao sa "Fuccbois."--FRJ, GMA News