Matapos ang kaniyang tagumpay bilang "The Clash" Season 3 Grand Champion, binalikan ni Jessica Villarubin ang mga pagsubok na kaniyang hinarap kabilang na ang muntikang pagsuko niya sa kompetisyon dahil sa takot sa COVID-19 pandemic.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi rin ni Jessica na nagdalawang-isip siya na magpunta sa Maynila dahil siya ang inaasahan o breadwinner ng kaniyang pamilya sa Cebu.

Lumaki sa hirap si Jessica, na labandera ang ina at mayroon siyang walong kapatid.
Tanging siya lang ang nakatapos ng pag-aaral sa tulong na rin ng kaniyang pagkanta.

"Kailangan ko po kumanta nang kumanta, may misyon po ako na ibabayad ko sa school. Kailangan ko po mag-gig para makatapos ng pag-aaral, para matustusan ko 'yung pangangailangan ng pamilya ko," kuwento niya.

Nang dumating ang oportunidad na sumali sa "The Clash," nag-alala siya sa sitwasyon ng COVID-19 sa Metro Manila.

"Parang doubt din ako na parang ayoko na, pero as in po nag-risk po ako, nagpunta po talaga sa Manila kasi po matagal ko na pong pinangarap 'to," ayon kay Jessica.

Nagpapasalamat si Jessica sa mga taong tumulong at sumuporta sa kaniya para abutin ang kaniyang pangarap.

Sa pagkapanalo niya nitong Linggo, umaabot sa P4 milyon ang kaniyang premyo, kabilang ang house and lot, sasakyan, GMA management contract, at P1 million cash.

"Tutulong ako pag-aaral ng kapatid, mga anak ng kapatid ko saka negosyo din po para sa pamilya ko po," saad niya.

Nang hingan ng mensahe para sa mga katulad niyang humaharap sa pagsubok ng pandemic, inawit niya ang bahagi ng kantang "Rise Up" ng Andra Day:

"I'll rise up in spite of the ache. I'll rise up and I'll do it a thousand times again."

--FRJ, GMA News