Hindi naniniwala ang aktres na si Sharon Cuneta na posibleng na-hack lang ang social media account ng isang lalaking netizen na nagbanta via online na gagahasain ang anak nila ni Senador Francis Pangilinan na si Frankie.
Sa ulat ni Tina Pangabinan-Perez’s sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ng isang netizen na na-hack ang account lalaking tinitukoy ni Sharon at hindi talaga ito ang nag-post ng masama mensahe patungkol kay Franjie.
Pero sa tweet ni Sharon, inihayag ng aktres na hindi siya naniniwala na na-hack ang account ng lalaki at ipinost ang screenshot ng pagbabanta ng lalaki.
“No, your account was not hacked. This was your original post,” saad ni Sharon.
Idinagdag ng aktres na natukoy na niya na nasa London ang lalaki.
“Hey, you f*****g rapist! You may just be in London, I see. Still checking and following up on your employer! Apparently on the right track… WATCH ME,” sabi ng Mega Star.
May ilang netizens din nagbibigay ng impormasyon tungkol sa ilan pang netizen na umano'y nag-post din ng hindi magagandang mensahe patungkol kay Frankie.
Naging laman ng mga balita si Frankie nang mag-post siya ng mensahe para ipagtanggol ang kababaihan na hindi dapat sisisihin sa pagsusuot ng mga seksing damit para halayin.
Isang kilalang broadcast journalist ang hindi sumang-ayon sa mensahe ni Frankie, at tinawag siyang "hija." Pero nanindigan ang anak nina Sharon at Sen. Pangilinan sa kaniyang posisyon at naging trending ang hashtag na "HijaAko."
Samantala, sinabi ng National Bureau of Investigation Cybercrime Division na aalamin kung talang na-hack o hindi ang account ng lalaki.
“Possible ‘yon kasi sa mga experience natin dati, may mga gumagamit ng account mo, they are stealing your identity to create an issue. ‘Yon ang iche-check natin," sabi ni NBI Cybercrime Division chief Victor Lorenzo.
"Hindi naman natin dapat paniwalaan agad dahil sa experience na rin namin, may mga specific approach kami to identify kung totoo ‘yong sinasabi,” patuloy ng opisyal.
Sinabi rin ng NBI na sinimulan na nilang mangalap ng impormasyon tungkol sa lalaking tinutukoy ni Sharon.
“Tinitingnan na namin, kino-collate na namin ‘yong mga information. Kapag cybercrime-related, may jurisdiction tayo kahit ang subject nasa ibang bansa,” sabi ni Lorenzo.
Inihayag naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaari pa ring padalhan ng subpoena ang lalaki dahil wala ito sa Pilipinas.
“‘Yong mga ganoong constitute threats and punishable under our Revised Penal Code. So kung dinaan mo ‘yan sa internet, sa social media, then naa-aggravate ‘yong imposable penalty kasi it creates ‘yong feat. Nandoon na eh. Na-commit mo na ‘yong gusto mo, ‘yong objective na gusto mong ma-achieve — takutin ‘yong tao,” ayon kay Guevarra.
Samantala, isang netizen din ang nag-post ng masamang mensahe laban kay Frankie na nakarating din sa kaalaman ni Sharon. Pero kinalaunan, nagpakita ng ebidensiya ang lalaki na mayroon lang gumamit ng kaniyang profile picture at nilagyan ng ibang pangalan. --FRJ, GMA News