Hindi napigilan ni Heart Evangelista ang maging emosyonal nang ibalita niya ang pagpanaw ng inampon niyang puppy na si Linda. Saad ng aktres, marami ang nangangamusta kay Linda kaya minabuti niyang sabihin ang nangyari sa tuta.

Ibinahagi ni Heart ang malungkot na balita sa pamamagitan ng kaniyang vlog, at inihayag na napamahal na agad sa kaniya si Linda kahit kalahating araw lang niya itong nakasama.

Namatay si Linda, na tinawagan niyang anghel, nang dahil sa mga komplikasyon.

"I've never been so attached to a foster. I usually foster a lot but this one was extra special and I actually thought of keeping her but she died. She had complications," sabi ni Heart.

"I just wanted to say that fostering is really hard, but when I look back, I'm glad that even if I was with her for half a day, I was able to make her feel very loved," dagdag pa ng aktres.


Sa kabila ng nangyari, ipagpapatuloy pa rin ni Heart ang fostering.

"And despite the heartache, I do still very much support the idea of fostering. It's just very, very hard because she was really such an angel," ani Heart.

Kilala ring animal welfare advocate si Heart. Nitong nakaraang taon, nagpatayo siya ng facility para sa mga hayop sa Sorsogon, kung saan Governor ang kaniyang asawa na si Chiz Escudero.--FRJ, GMA News