Matinding drama ang aasahan ng mga manonood sa star-studded upcoming GMA series na "Pamilya Roces," na pamamahalaan ng premyadong direktor na si Joel Lamangan.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing kasama sa proyekto sina Carla Abellana, Gabbi Garcia, Winwyn Marquez, Elizabeth Oropesa, Gloria Diaz, Snooky Serna, Mika Dela Cruz, Rocco Nacino, Christian Bautista at Roi Vinson.

Kasama rin sina Jasmine Curtis Smith at Shaira Diaz, na kanilang unang proyekto sa primetime block bilang mga bagong Kapuso.

"Seryoso ito. It's a family drama, mabigat ito, malalim ang kuwento at maraming sikreto," ayon kay Carla.

Sinabi ni Gabbi na pinaghahandaan niya ang naturang proyekto dahil na rin sa mga bigating kasama niya sa serye.

"Nakaka-excite makatrabaho itong magagandang girls na kasama ko, mga sisters ko. Especially this is the comeback project of [direk] Joel Lamangan. I'm really very happy to be part of it," dagdag niya.

Inihayag naman ni Wyn na kailangan niyang lumevel-up para makasabay sa husay ng mga kasama niya sa proyekto.

Labis naman ang saya ni Jasmine sa kaniyang unang primetime series sa GMA.

"First kong gagawin is not basta lang na pinasok ako. They really wanted it to be a special project na magiging parte ako. Kasi they really believe in me. Napaka thankful kasi nararamdaman mo yung worth mo saka value mo sa kanila," saad niya.

Sabi naman ni Shaira, "Nakaka excite at the same time nakakakaba."

Ang kuwento ng "Pamilya Roces" ay tungkol umano sa paglalaban-laban ng mismong magkakapatid. Gayunman, sinabi ng mga bida sa serye na malayo ito sa kanilang tunay na buhay dahil very close sila sa kani-kanilang mga kapatid.

Abangan ang magiging matinding banggaan ng "Pamilya Roces" sa GMA. -- FRJ, GMA News