Walang tigil sa pasasalamat ang comedian na si Super Tekla dahil opisyal na siyang Kapuso matapos pumirma ng exclusive contract sa GMA Network nitong Miyerkoles, Oktubre 25.
Kasama ni Tekla sa pirmahan ng kontrata sina Daryl Zamora, GMA Artist Center Senior Talent Manager, at co-manager na si Rose Conde.
Pag-amin ni Tekla, matiyaga raw niyang hinintay ang pagkakataon na pumirma sa Kapuso network.
"Matagal kong hinintay ito, sobrang patience, talagang nagtiyaga ako. Time will come na ibibigay ni God sa akin. This is it na talagang puwede ko nang i-claim na official at legit na Kapuso na ako, thank you, thank you. I'm so happy, sobrang speechless ako ngayon," anang comedian.
Pinasalamatan ni Tekla ang mga GMA boss na sina GMA Chairman and CEO Atty. Felipe Gozon, President and COO Gilberto Duavit, Executive Vice President and CFO Felipe S. Yalong, SAVP for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara at GMA SVP for Entertainment Lilybeth Rasonable.
Pinasalamatan din ni Tekla ang kaniyang manager na si Ms. Conde, pati ang mga patuloy na sumusuporta sa kaniya.
"Sa mga buong Kapuso natin, thank you, thank you so much. Of course, ang talagang walang sawa at walang pagod na suporta at pag-alalay sa 'kin mula nu'ng umpisa, Mommy Rose Conde. Thank you so much," anang komedyante.
Handa na raw magtrabaho si Tekla ngayong ganap na siyang Kapuso.
"Ang aura ko ngayon, sobrang positive talaga, wala nang mga negative. Kailangan positive lang, work, work, work para sa mga Kapuso natin. Pinapangako ko na gagawin ko ang aking best sa tiwalang binigay sa akin ng GMA," pagtiyak niya.
Negative sa drug-test
Inihayag din ni Super Tekla na boluntaryo siyang sumailalim sa drug test dahil sa mga alegasyong gumagamit siya ng droga. Masayang inanunsyo ni Tekla na negatibo ang resulta nito.
"Talagang voluntary akong nagpa-drug test to clear. Talagang sobrang certified po, nag-negative na po 'yung result ko ng drugs and I'm so glad. Thank you, thank you. 'Yung hassle kasi, feeling ko iyon 'yung harang para ma-achieve ko itong ganito kaya 'yon muna ang una kong nilinis. Sobrang, 'Thank you Lord, thank you!' Talagang sobrang negative 'yung result," kuwento niya.
Dagdag niya, "This is it, hindi totoo 'yon. Kaya sabi ko nga, ayoko na ngang magsalita eh. Pero to prove, to clear, para masara na 'yung haka-haka, wala na po akong drugs sa katawan. Fit to work."
Matatandaang dating co-host si Tekla sa GMA afternoon variety show na "Wowowin," hanggang sa lumiban siya nitong Hunyo.
Nawala man sa "Wowowin," napanood naman si Tekla sa ilang Kapuso programs tulad ng "Sunday PinaSaya," "Celebrity Bluff," at "Sarap Diva."
"Sobrang nakakatuwa sa nangyari sa akin na puro negative nu'ng una, talagang halos feeling ayaw na ako, o sasakluban na ako ng langit eh. Pero thank you so much," ayon kay Tekla.
"Magtrabaho na lang tayo para sa mga Kapuso natin, thank you so much at talagang kung ano man ang ibibigay at ipagkaloob sa akin ng Diyos, talagang pagtatrabahuhan ko ito nang maayos. Thank you very much," dagdag niya.
May mga nagsara man daw na pinto, may mga bumukas naman na panibago.
"Mga pintuan na magbubukas and of course, ang langit, mag-o-open wide. Bubuhos, mararamdaman mo talaga iyan. Be patient, 'yun lang, maging mapagkumbaba. Kahit anong gawin mo, alam naman ng Diyos kung saan ka ilalagay," ayon kay Tekla.
Dapat daw abangan ang karakter ni Tekla na si Lady Yvonne sa "Alyas Robin Hood," ang sidekick ni Iris (Solenn Heussaff).
Hamon daw kay Tekla ang mapasali sa "Alyas Robin Hood" dahil sa mga magagaling na artistang kasama niya tulad nina Dingdong Dantes, Andrea Torres at si Solenn.
Sinabi rin ni Tekla na magaan na katrabaho at mabait ang leading man ng serye na si Dingdong.
At ngayong opisyal nang Kapuso, looking forward daw si Tekla na makatrabaho ang iba pang Kapuso comedians tulad ni Bossing Vic Sotto at Boobsie Wonderland.
Nang tanungin ng GMA News Online kung gusto niya ring subukan ang "Bubble Gang," tugon niya, "Oo, gusto ko, pangarap ko 'yon." —FRJ/KG, GMA News