Ikinuwento ng celebrity doctor na si Pie Calayan sa programang "Mars" na lumobo noon ang kaniyang katawan nang ipagbuntis at maisilang ang una niyang anak. Alamin kung ano ang kaniyang naging motibasyon para kumilos at maibalik ang dati niyang timbang.
Ayon mismo kay Dra. Calayan, naging kasing laki siya ng refrigerator at kasing lapad ng pinto pagkatapos niyang magsilang ang panganay nila ni Dr. Manny Calayan.
Pero naisip daw niya na walang mag-aalaga sa kaniyang anak kapag nagkasakit siya kung mananatili siyang mataba. Kaya naman nagpasya raw siyang kumilos para maibalik ang dati niyang timbang.
"Kasi naisip ko talaga, kung hindi ko aalagaan ang sarili ko like sobrang taba ko noon parang kasing laki ng ref. Sabi ko baka magka-high blood ako o diabetes, sino na mag-aalaga sa anak ko?," paliwanag niya.
Sa loob ng tatlong buwan, naibalik daw niya ang dati niyang timbang na 110 mula sa 180 na timbang matapos niyang manganak.
Nagawa raw ito ng duktora sa pamamagitan ang tamang pagkain at workout.
Idinagdag din ni Dra. Calayan na hindi rin magiging maganda sa negosyo nilang mag-asawa na derma at cosmetics kung malaki ang kaniyang katawan at hindi siya magkakasya sa pinto ng kanilang klinika.
Mensahe pa nniya, mahalaga sa mga maybahay na katulad niya na mahalin ang sarili at hindi dapat hayaan na mapabayaan ang pangangatawan.
Panoorin ang buo niyang kuwento sa "Mars":
Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment
-- FRJ, GMA News