Hypertension, heart disease at diabetes.

Ito ang mga lifestyle diseases na patuloy na nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga taga Quezon City noong 2023 ayon sa Quezon City local government unit.. 

Base sa kanilang datos, mahigit 16% ng mga taga Quezon City adults ang may hypertension at 40% naman ang may mataas na total cholesterol level. 

Tumaas din anila ang mga overweight at may obesity sa lungsod. 

Sa datos ng Quezon City health department, apat sa bawat 10 adults ang overweight o obese, at dalawa sa 10 school children ang may obesity o overweight

Dahil dito, ipinasa ng Quezon City LGU ang “Calorie Labeling Ordinance” na nag-oobliga sa mga food establishment na i-display ang calorie count ng mga pagkain sa kanilang menu. 

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, “This ordinance is not just a regulation, it is an opportunity to deepen our understanding of the impact of food on our health, dahil kapag may calorie label na sa menu ng mga restaurants may kapangyarihan ang qcitizen na pumili ng masustansyang pagkain para makaiwas sa iba’t ibang lifestyle diseases…”

Ang calorie ay isang unit of measurement na ginagamit para sukatin ang amount ng energy na nakukuha sa pagkain at inumin. 

Ayon sa nutritionist-dietitian ng Lungsod, may inirerekomenda lamang na calorie intake sa araw-araw na diet, pero kapag madalas sumobra ito, tataas ang timbang ng isang tao at kapag mataas ang timbang, mas mataas ang tiyansa na magkaroon ng sakit sa puso, hypertension, diabetes at cancer. 

Paglilinaw ng Quezon City LGU hindi naman masama ang calories sa katawan, pero kung sobra o kulang ito, masama anila sa kalusugan. 

Ayon kay Quezon City health department OIC Dr. Ramona Abarquez, “An imbalanced calorie intake, whether too much or too little, can increase the risk of developing conditions like obesity, heart disease, diabetes and other micronutrient deficiencies.”

Maging ang nutrient information ng pagkain, maaari rin daw hingin ng mga customers sa ilalim ng ordinansa. 

Target ng LGU na maipatupad ang ordinansa nang tatlong phase mula 2025, 2026 at 2027. 

December 21, 2025 pa ang implementasyon ng Phase 1 at sakop nito ang mga food businesses na may lima o higit pang locations o branches sa lungsod na gumagamit ng parehong pangalan. 

Sakop din nito ang mga standardized menu items, o yung mga hindi na pinapalitan sa loob ng 60 days o higit pa. 

Exempted naman ang mga restaurant o food businesses na hindi nag-aalok ng standardized menu items, mga barangay microbusiness enterprises, at micro small medium enterprises tulad ng mga karinderya. 

Magbibigay naman ng training at capacity-building ang LGU sa mga food establishments na sakop ng ordinansa at magsasagawa rin umano sila ng information campaign para maintindihan ng lahat lalo na ng mga taga Quezon City ang ordinansa at ang nilalayon nito. 

Magbibigay rin daw sila ng insentibo sa mga food businesses na susunod sa ordinansa kahit hindi sila sakop nito. 

May kaparusahan ang mga food businesses na lalabag dito. 

Pero hindi pa man naipapatupad ang ordinansa, nauna nang naglagay ng calorie content sa kanilang menu ang isang café sa Scout Reyes. 

Ayon sa operations manager ng café na si Aly Lorenzo, “’Nung wala pa kaming calorie count may mga nagtatanong na guest, 'Ilang calories ito?' So kaya nagpa-plan na rin kami maglagay ng mga calorie count. Pero nung nagbigay si Mayor Joy ng ordinance doon kami na push through: 'Sige, ilagay na natin'.”

Ang mga customer na sina Renil Alura at Sheree Chan, napao-rder daw ng kape na mababa ang calorie content. 

“Magma-macchiato sana ako tapos nakita ko 200 plus yung calories, ayun yung 150 calories na lang na capuccino…medyo nako-conscious ka sa oorderin mo…” ani Alura. 

“Maganda kasi nare-remind tayo doon sa mga tine-take nating food and drinks,” sabi naman ni Chan.

Paalala ng DOST-Food and Nutrition Research Institute na bukod sa calories, suriin din ang nutrient content ng pagkain. 

Ayon sa FNRI-registered nutritionist-dietitian na si Lhei Carranza, “Atin din pong tandaan na hindi lang calorie ang dapat nating tingnan kundi pati yung nutrients…for example ang isang softdrinks po may isang label na zero calorie po siya, pero wala naman pong nutrisyon kumpara naman po sa isang rice for example or saging na may makukuhang for example 100 calories pero may mga nutrients na po…” 

At kung may existing health condition, kumunsulta muna sa doktor para sa tamang calorie at meal plan na angkop sa kanilang pangangailangan. — BM, GMA Integrated News