Tinatayang nasa 500 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na sumiklab sa Barangay 310 sa Sta. Cruz, Maynila, habang daan-daang persons deprived of liberty o PDL sa Manila City Jail ang inilikas.
Nagsimula daw ang sunog pasado alas nueva pa kagabi na mabilis itinaas sa ika-limang alarma.
Kaya ang mga residente, kanya-kanya nang naghakot ng kanilang mga gamit.
Ang iba, wala nang naisalba maliban sa imahen ng Sto. Nino at Nazareno.
May ilan naman na piniling unahing isalba ang kanilang mga alagang hayop.
Ayon sa barangay, nagulat na lamang sila dahil mabilis na kumalat ang apoy na nagsimula sa ikatlong palapag ng isang paupahang gusali sa playground compound.
"Hindi na namin kinayang dalhin ung fire extinguisher dahil lumaki bigla, ambilis ng pagkasunog,” ayon kay Kagawad Ryan Lacsina.
“Umikot eh, nagsimula dito sa may bandang bungad namin malapit sa brgy, dun sa may bahay ni bantay nga tapos inabot kami hanggang LRC,” dagdag niya.
Halos umabot sa pasilidad ng Manila City Jail ang sunog, kaya agad na napasugod ang ilang kaanak ng mga persons deprived of liberty o PDL.
Pero ayon sa Bureau of Jail Management and Penology, agad naman nilang inilipat sa ibang bahagi ng city jail ang dan-daang PDL.
Ayon naman sa Bureau of Fire Protection, hindi nadamay sa sunog ang city jail.
Pero pinasok na rin nila ito para magbomba ng tubig.
"Yung daan po ay napakaliit po para po makuha po namin yung pinaka focal points po nung apoy,” ayon kay Fire Senior Inspector Alejandro Ramos.
“At the same time po, yung mga tao po ay talagang napakadami po. Kami po ay naba block pag pumapasok po.”
Wala naman napaulat na nawawala o namatay pero dalawang babae ang nasugatan kabilang ang isang senior citizen na nagtamo ng second degree burn sa iba't-ibang bahagi ng katawan.
Batay sa datos ng BFP, aabot sa limandaang pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa nangyari.
Habang nasa 3.7 million pesos ang tinatayang halaga ng mga napinsalang ari-arian. — BAP, GMA Integrated News