Nagbigay ng pahayag ang Philippine Basketball Association (PBA) kaugnay sa kinasangkutang insidente ng umano'y pamamaril ng basketbolistang si John Amores sa Lumban, Laguna. Ang ina naman ng biktima, labis ang galit at hindi raw magpapaareglo "para madala 'yang hayop na 'yan sa kahambugan niya."
Sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial sa isang pahayag, na iniulat sa Balitanghali nitong Huwebes na, “This is a matter subject of investigation by the police, and we cannot comment in it. But we are saddened by such unfortunate incident.”
Sa hiwalay na ulat, sinabing nagpunta ang galit na galit na ina ng biktima sa police station sa Lumban kung saan nakadetine si Amores.
“P****** i** mo hayop ka! Nabalitaan ko lang, nililihim nga sa akin ng mga anak ko kasi nga alam nila hindi ko kayang tanggapin ‘yun eh,” sabi ng nanay ng biktima nang makapanayam sa labas ng estasyon ng pulisya.
“Grade 6 ‘yan nang mamatay ang ama, tapos ganu’n lang, parang pusa o aso, papatayin niya? Ang dami na niyang kaso, nakikita ko sa Facebook, sa TV. ****, hayop pala talaga ‘yan!,” galit na pahayag nito.
“Hindi ko kayang tanggapin ang ginawa niya. Kitang kita ko sa CCTV, binaril niya ‘yung anak ko nang harapan… Eh kung namatay ang anak ko, kaya ba niyang ibalik ‘yon?? Hindi niya kayang ibalik ang buhay ng anak ko,” patuloy ng ginang.
Tinangka pang lumapit sa kulungan ng ina ng biktima ngunit hinarangan na siya at pinakalma ng mga awtoridad.
Ayon sa ina ng biktima, hindi pa nagpapakita sa kaniya ang anak dahil alam nitong magagalit siya kapag nalaman ang nangyari.
Idiniin ng nanay ng biktima na hindi siya makikipag-areglo kay Amores.
“Kung ‘yung iba naaareglo niya, ako hindi. Pagagalisin ko buong katawan niya doon sa kulungan para madala 'yang hayop na iyan sa kahabugan niya," sabi pa ng ina ng biktima.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nasa kamay na ng pulisya si Amores at kaniyang kapatid matapos nilang masangkot sa pamamaril na nag-ugat umano sa away sa basketball.
Sapul sa CCTV nang bumaba ng motorsiklo si Amores sa Barangay Maytalang Uno, Lumban, Laguna.
May dala siyang baril at dali-daling hinabol ang isang lalaki at saka pinaputukan.
Ang nagmamaneho ng motorsiklo ay ang 20-anyos na kapatid ni Amores.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News