Nasa kustodiya na nina Local Government Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police chief Police General Rommel Marbil sa Indonesia si dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo. Inaasahang maiuuwi siya sa Pilipinas ngayong Huwebes ng gabi.

Ibinigay ng mga awtoridad ng Jakarta, Indonesia ang kustodiya ni Guo sa mga opisyal ng Pilipinas nitong Huwebes ng hapon.

Nasa immigration lookout bulletin si Guo dahil sa isinasagawang imbestigasyon ng Kongreso at iba pang ahensiya ng pamahalaan tungkol sa tunay niyang pagkatao at koneksyon sa ilegal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban.

 

 

Una rito, kinumpirma ni Senador Raffy Tulfo, chairman ng Senate Committee on Public Services, na ibabalik na sa Pilipinas si Guo sa Huwebes, batay sa natanggap niyang impormasyon.

Madaling-araw nitong Huwebes nang dumating sa Indonesia sina Abalos at Marbil.

“The team, along with the Indonesian Police Attaché to the Philippines, departed Manila at 11:30 p.m. via private plane and arrived at Soekarno-Hatta Airport in Jakarta, Indonesia at 2:30 a.m. (local time),” ayon sa inilabas na pahayag ng PNP.

“The SILG and CPNP are scheduled to meet with Indonesian officials to ensure proper coordination. Philippine Ambassador to Indonesia, Her Excellency Gina Jamoralin, has been invited to participate in the discussions,” dagdag nito.

Isang team din mula sa Department of Justice, na kinabibilangan ng Bureau of Immigration at National Bureau of Immigration, ang dumating sa Indonesia para iproseso ang deportation papers ni Guo.

Nahaharap siya sa iba't  ibang reklamo, kabilang na ang human trafficking at money laundering.--mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News