Itinanggi ng Office of the Vice President (OVP) nitong Miyerkoles na ginaya lang mula ibang kuwento ang pambatang libro na "Isang Kaibigan," na si Vice President Sara Duterte ang nakasaad na may-akda.
Sa ipinadalang mensahe sa mga mamamahayag ni OVP spokesperson Michael Poa, sinabi ito na mayroong copyright registration ang libro noong December 2023.
"Wala po (none)," sabi ni Poa nang tanungin kung may anomang plagiarism na nangyari sa libro ni Duterte.
Una rito, pinuna ng mga netizen ang pagkakatulad ng "Isang Kaibigan" sa graphic novel ng American author at artist na si Andy Runton na may titulong, "Owly Just a Little Blue."
Parehong pangunahing karakter sa kuwento ng dalawang libro ang kuwago, na nagtuturo tungkol sa kahalagahan ng pakikipagkaibigan at kabutihan.
Sa libro ni Duterte, isang kuwago ang nawalan ng kaibigang ibon nang sirain ng bagyo ang kaniyang bahay. Sa kabila ng kalungkutan, isang parrot ang tumulong sa kuwago para makagawa siya ng bagong tahanan na kaniyang naging kaibigan.
Inilunsad noong nakaraang Nobyembre ang libro na ipinapamahagi ng libre sa mga pampublikong paaralan.
"Not being sold po ang book. In fact, 'yung nasa proposed budget is just for printing of the actual copies. Hindi po bibilhin ang book. Printing lang po," sabi ni Poa patungkol sa P10 milyon na pondo para sa libro na nakapaloob sa panukalang P2.037-billion budget ng OVP para sa 2025.
Sa pagtalakay sa naturang pondo ng OVP sa Senado nitong Martes, naging mainit ang sagutan nina Duterte at Senador Risa Hontiveros, nang tanungin ng huli kung tungkol saan ang kuwento ng libro.
Inakusahan ni Duterte na ang naturang tanong may kaugnayan sa paglalagay ng kulay-pulitika sa kaniyang pondo, bagay na itinanggi naman ng senador.
"Madam Chair, this is an example of politicizing the budget hearing through the questions of a senator. Ang problema niya kasi nakalagay 'yung pangalan ko doon sa libro, at 'yung libro na 'yan, ibibigay namin doon sa mga bata at 'yung mga bata na 'yan may mga magulang na boboto at 'yung pangalan ko ay nagkalat doon sa kung saan man ibibigay 'yung libro," giit ni Duterte sa pagdinig ng Finance committee.
Sagot naman ni Hontiveros, "Madam Chair, hindi ko maintindihan 'yung ugali ng ating resource person. It is a simple question. Paulit-ulit na this is politicizing. Ang VP ang nagbanggit ng salitang boboto. Wala akong sinabing boboto. I'm simply asking. Hindi ko ma-imagine we're making so much trouble, so much fuss about a P10-million item." — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News