Iniulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes na 21 tao na ang nasawi dahil sa hagupit ng Habagat at bagyong Carina sa Metro Manila, Calabarzon, at Central Luzon.
Ayon sa PNP, 11 sa mga nasawi ay nasa Calabarzon, lima sa Batangas, at tig-tatlo sa Cavite at Rizal.
Nasawi ang mga biktima dahil sa pagkalunod, insidente ng bagguho ng lupa, pagkakakuryente, at nabagsakan ng puno.
May isa umanong nawawala sa Cavite, at anim ang nasugatan sa Rizal.
Sa Central Luzon, dalawa ang nasawi sa Angeles City, Pampanga at isa sa Bustos, Bulacan. Tatlo naman ang nasugatan sa nasabing rehiyon.
Sa Metro Manila, pito ang iniulat na nasawi. Dalawa sa kanila ang nasa Maynila, at tig-isa sa Malabon, Valenzuela, San Juan, Mandaluyong, at Pasay.
Pagkalunod at pagkakakuryente umano ang dalawa ng pagkasawi ng mga biktima.
Walo naman ang iniulat na nasaktan sa Quezon City.
Mas mababa naman ang bilang ng mga nasawi sa listahan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na 14, dahil sa hagupit ng Habagat, at mga bagyong Carina, at Butchoy.
Sa ulat ng NDRRMC nitong Huwebes ng umaga, apat ang nasawi sa Zamboanga at tig-isa sa Northern Mindanao, Davao, Bangsamoro Autonomous Region and Muslim Mindanao at Metro Manila.
Biniberipika pa ng NDRRMC ang ulat tungkol sa limang nasawi sa Calabarzon at isa pa sa Bangsamoro.
Samantala, sinabi ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro na nasorpresa ang kanilang lungsod sa dami ng dalang ulan ng Habagat at Carina.
"Nabigla kami dahil nga na hindi natin inaasahan yung ganung kalakas ng ulan at dami ng tubig sa mahabang oras," ani Teodoro sa panayam ng GMA News Unang Balita.
"Ang Ondoy mga six hours ang pag-ulan na noon. Ngayon, more than eight hours ang naranasan nating tuloy-tuloy na pag-ulan," dagdag niya.
Dahil sa lakas ng ulan, umabot sa ikatlong alarma ang taas ng tubig sa Marikina River kaya nagpatupad ang lokal na pamahalaan ng forced evacuation sa mga lugar na inaasahang malulubog sa baha.
Ayon naman kay San Juan City Mayor at Metro Manila Council president Francis Zamora, nakatuon sa ngayon ang atensyon ng mga lokal na pamahalaan sa rescue at relief operations.
Sa mga susunod na araw, asahan umano na tatalakayin ng mga alkalde ang mga kailangang gawin para hindi na maulit ang pangyayari.
"We will make an assessment as a council probably in a few days para malaman ano 'yung mga dapat naming hakbang na gawin upang hindi na ho maulit ito," sabi ni Zamora.— mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News