Ang pahayag ay ginawa ni Gatchalian nitong Lunes kaugnay sa ulat na may benepisaryo ng cash assistance sa Davao del Sur na sa halip na buong P10,000 ang tatanggapin ay naging P1,500 na lang dahil napunta umano sa mga opisyal ng barangay ang P8,500.
''Sisiguraduhin natin na magiging warning ito, matinding warning sa mga magtatangka na samantalahin 'yung mahihirap nating benepisaryo. Walang may karapatan na magkaltas,'' sabi ni Gatchalian sa mga mamamahayag nang matanong tungkol sa nasabing usapin habang nasa lalawigan ng Isabela.
Bagaman itinuturing "isolated" ang nangyari sa Davao del Sur, sinabi ni Gatchalian na magsasampa ng reklamo ang DSWD laban sa mga sangkot na opisyal ng barangay.
Nilinaw din ni Gatchalian na hindi sa payout center ng DSWD nangyari ang umano'y pagkaltas sa cash assistance na ipinamahagi.
''At gusto ko ring linawain na during payout, buo ang natatanggap nila. Kapag nagbigay ang DSWD 'yan, kasi we verify it... Hindi nangyari 'yung kaltasan sa loob ng payout center ng DSWD,'' ayon sa kalihim, na iginiit na buong nakukuha ng benepisaryo ang P10,000 kapag sa payout center ng ahensiya kinuha ang kanilang ayuda.— mul sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News