Maaari pa raw habulin ng Commission on Elections (Comelec) si Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac ukol sa isinumite niyang SOCE, o Statement of Contributions and Expenditures.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang filing ng SOCE lamang ang may prescribed period ngunit wala namang takdang panahon para sa magrereklamo ukol sa nilalaman nito.
“Ang period po ng pagsa-submit ang hindi po sa mga nagrereklamo kung hindi doon sa mga kandidato. May period iyan 30 days after the election dapat mag-submit ng SOCE. Pero walang nakalagay kung hanggang kailan pupwedeng may magreklamo na mali ang sinubmit na SOCE ng mga kandidato,” paliwanag ni Garcia.
Sinumpaan din daw ang isinumiteng SOCE ng kandidato kaya dapat tama ang lahat ng nakasaad doon.
Kaya naman pwede pa rin daw balikan si Guo na base sa isinumiteng SOCE ay mahigit P134,000 pesos lamang ang nagastos sa kampanya na mula sa kanyang personal na pondo.
“Pwede pa, sapagkat patuloy pa naming tinitingnan 'yan. Tatandaan niyo, ang lahat ng SOCE pinanumpaan. Kung mali ang sinumpaan, perjury. Kung hindi totoo 'yan, 'yung mga nakalagay doon, pwede naming kasuhan at balikan 'yung mismong kandidato. What for is the submission kung 'yun pala hindi naman makatotohanan,” ani Garcia.
Pero dapat daw, may magbigay ng impormasyon sa Comelec kung sa tingin nila ay sobra sa idineklara ni Guo ang aktwal na nagastos niya sa kampanya noong 2022 sa Bamban.
“Sana po talaga may makapag-report sa amin ng mga bagay, alam niyo po eh nasa mga kababayan din natin na ito po ay isang paalala maging vigilant po tayo, mapagmatyag, mapagmasid,” sabi ni Garcia.
“Siyempre nakadepende lang kami sa dokumento o at the same time doon sa magre-report sa amin kaya po kailangan namin yung nagrereport. Sino bang nakakaalam na may chopper sya? Wala naman pong nakakaalam. Nagkaalaman lang nitong nagkaroon nito. Wala nga pong nagreport kahit isang kababayan niya na oy may chopper yan Chairman baka pupwedeng tingnan natin paano yung gasolina noon? Paano yung ginamit, nagamit ba talaga?” ayon kay Garcia.
Sa kanyang Facebook page, nakita ang paggamit ng helicopter si Guo noong kanyang proclamation rally noong April 2022.
Ang nasabing chopper inamin ni Guo na pag-aari niya sa pagdinig ng Senado ukol sa imbestigasyon ng POGO hub sa Bamban kung saan din siya isinasangkot bagay na kanya nang pinasungalingan.
Sinisikap pang makuha ng GMA Integrated News ang panig ni Guo ukol sa kanyang SOCE.
Dalawang nadiskwalipika
Inanunsyo rin ng Comelec na dalawang kandidato ang nadiskwalipika matapos bigong magsumite ng kanilang SOCE.
Dalawang beses hindi nakapagsumite ng SOCE si Emilio Viliran Arnaez sa pagtakbo niya bilang konsehal ng Tanjay City, Negros Oriental noong Eleksiyon 2019 at bilang kandidato sa pagka-alkalde ng nasabing lungsod noong Eleksiyon 2022.
Sa dalawang nakaraang eleksyon din hindi nakapag-file ng SOCE si Giovanni Jino Hilario Alcantara na tumakbong konsehal ng Cainta, Rizal.
Pinagbabayad ng administrative fine ang dalawa para sa kanilang una at ikalawang offense.
Hindi na rin sila pwedeng humawak ng public office habang-buhay dahil sa magkasunod na paglabag.
Plano ng Comelec na ilagay sa isang website ang lahat ng SOCE na isusumite ng mga kandidato na lalahok sa parating na eleksiyon para masuri ito ng publiko. — BM, GMA Integrated News