Batay sa mga nakuhang dokumento at nakalap na impormasyon, inihayag ni Senador Sherwin Gatchalian na posibleng Chinese ang tunay na ina ng kontrobersiyal na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo. Ang isang negosyo ng pamilya, nasa Valenzuela umano na malapit lang sa kanilang tirahan.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing batay sa mga dokumento tungkol sa negosyo ng pamilya, napansin ng senador na laging nakasaad ang pangalan ng ama ni Guo, dalawang kapatid, at isang babae na may pangalang Wenyi Lin, na isang Chinese.
Mga parehong pangalan din umano ang nakasaad na incorporators ng embroidery shop ng pamilya Guo na makikita sa Valenzuela.
"Sa family business, itong si Wenyi nandun lahat, consistent nandoon si Wenyi. At noong tiningnan namin yung travel records (mula sa Bureau of Immigration), yung tatay niya si Jian Zhong Guo at si Wenyi traveled 170 times in the span of six years. So madalas silang bumibiyahe," paliwanag niya.
Kaya sa personal niyang pag-analisa, sinabi ni Gatchalian na maaaring si Wenyi ang biological mother ni Mayor Guo.
Sa record pa rin ng BI, Chinese citizen umano ito na may Chinese passport.
Dagdag pa ni Gatchalian, kalapit lang ng tirahan nila ang address ng embroidery shop ng pamilya Guo. At sa nakalap niyang impormasyon, ipinapakilala umano si Wenyi na ina ni Alice sa mga tao sa lugar.
Kung mapapatunayan na Chinese ang tunay na ina ni Mayor Guo, sinabi ni Gatchalin na susundan ang "bloodlines" batay sa sistema ng bansa.
"Legal implication sa documents na ginamit ang kaniyang birth certificate for example passport 'di na magiging Filipino yung kaniyang passport. Candidacy niya tinatanong are you a Filipino? ang basis niyan ang birth certificate," saad ng senador.
Sinusubukan pang makuha ang panig ni Guo pero dati na niyang sinabi na kasambahay na Pilipina ang tunay niyang ina na nagngangalang Amelia Leal.
Ang naturang pangalan din ang nakasaad sa kaniyang birth certificate na "late" ipinarehistro.
Ipinaliwanag din ni Gatchalian, na tungkol sa pagkatao ni Guo ang pakay ng imbestigasyon na ginagawa ng Senado. Aniya, kailangan ding matunton kung saan nanggaling ang bilyon-bilyong pisong ipinuhunan sa POGO hub sa Tarlac dahil maliit lang umano ang kita sa mga negosyo ng pamilya ni Guo.
Kaugnay nito, magsasagawa ng imbestigasyon ang Office of the Solicitor General (OSG) tungkol kay mayor Go para sa posibleng quo warranto case.
"We’ll gather, finalize, consolidate all available evidence and on the basis of these evidence we will determine exactly what cause of action, what kind of legal action or complaint we are going to file," ayon kay SolGen Menardo Guevarra.
Ibang usapin umano kung may kriminal na kaso na lalabas sa isasagawa nilang imbestigasyon.
"Kung merong corruption involved, kung merong violation of maybe gambling regulation and so forth and so on, kung merong misconduct on her part, that’s a totally different matter," ani Guevarra.
"Kung may possible criminal behavior then we leave that to the DOJ (Department of Justice). Kung may possible misconduct on the part of the mayor, then we leave that to the DILG (Department of Interior and Local Gocernment)," patuloy niya. --FRJ, GMA Integrated News