Nasawi ang isang lalaki matapos siyang barilin ng riding-in-tandem sa Tondo, Maynila. Dalawang residente ang nadamay, kabilang ang isang 12-anyos na bata.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Hermosa Street sa Barangay 200 dakong 6 p.m. nitong Lunes.

Nadala pa sa ospital ang biktima pero idineklara siyang dead on arrival.

Ayon sa mga residente, sunod-sunod na putok ang kanilang narinig.

Nakatawid na ang biktima sa kalsada mula sa kanilang bahay nang paputukan ng riding-in-tandem na suspek, na parehong naka-helmet kaya hindi nakilala ng mga residente.

Nakita sa crime scene ang nasa limang basyo ng bala ng baril.

Nasa ligtas na kalagayan na ang dalawang tinamaan din sa pamamaril.

Sinabi ng tiyuhin ng menor de edad na biktima na naglalaro noon ang bata malapit sa isang tindahan nang maganap ang barilian.

Patuloy ang paggulong ng imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

Isa sa mga tinututukan ang CCTV sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin. —KBK, GMA Integrated News