Apat na ang naitalang nasawi at mahigit 50 iba pa ang sugatan matapos tumama ang 7.2 magnitude earthquake sa Taiwan nitong Miyerkoles, ang pinakamalakas na lindol na naranasan ng isla sa nakalipas na 25 taon.
Sa ulat ng Reuters, sinabi umano ng pamahalaan ng Taiwan na mga residente sa kabundukan ang mga nasawi sa bahagi ng Hualien, na epicenter ng lindol.
Sa tinatayang 26 na gusali na gumuho, mahigit kalahati sa mga ito ang nasa Hualien, at may 20 katao ang pinapangambahang nakulong sa mga guho.
Sa footage ng Taiwan television stations, makikita rin ang mga gusali na nakatagilid bunga ng pagtama ng lindol dakong 8:00 am, habang papunta sa kanilang mga trabaho ang mga tao, at papasok sa paaralan ang mga estudyante.
"It was very strong. It felt as if the house was going to topple," ayon sa 60-anyos na si Chang Yu-Lin, hospital worker sa Taipei.
Ayon sa weather agency ng Japan, may ilang maliliit na tsunami waves ang nakarating sa bahagi ng southern prefecture ng Okinawa.
Naglabas din ng tsunami warning ang Seismology Agency ng Pilipinas na inalis din pagkaraan ng ilang oras.
Naramdaman ang mga aftershock sa Taipei, na umabot na sa mahigit 25, ayon sa central weather administration ng Taiwan.
Iniulat din ng Chinese state media na naramdaman ang lindol sa kanilang Fujian province, at sinabi rin ng ilang saksi na naramdaman din ang pagyanig sa Shanghai.
Ayon sa official central news agency ng Taiwan, ang naturang lindol ang pinakamalakas na tumama sa isla mula noong 1999 nang mangyari ang 7.6 magnitude na lindol na kumitil sa buhay ng 2,400 tao, at nagpatumba sa 50,000 gusali. —Reuters/FRJ, GMA Integrated News