Sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na iniutos niya na huwag parusahan ang guro na nag-viral sa social media dahil sa panenermon sa mga estudyante habang naka-live sa Tiktok.
Sa ambush interview sa Cambodia, inihayag ni Duterte na nakita niya ang paliwanag ng naturang public school teacher kaugnay sa nangyari.
“Sinabihan ko ang regional office natin na there will be no penalties for the teacher. Just to remind the teacher that if she is angry, she has to pause. Itigil muna ‘yung klase and when she's not angry anymore, saka siya magklase ulit,” anang bise presidente.
Nitong Lunes, naglabas ng show cause order ang Department of Education (DepEd) laban sa guro makaraang mag-viral ang video habang pinapagalitan niya ang kaniyang mga estudyante.
Binigyan siya ng 72-oras ng DepEd-National Capital Region para isumite ang kaniyang paliwanag sa nangyaring insidente.
Ayon kay Duterte, lahat ng tao ay nagagalit, maging ang mga guro. Ipinaliwanag din umano ng guro na hindi niya alam na naka-online siya nang mangyari ang panenermon.
“Ang una kong naging reaction is tao lang ‘yung teacher. Lahat tayo umaabot sa punto na nagagalit tayo lalo na kapag nafu-fustrate tayo. This is especially true sa mga teachers, dahil ang mga teachers natin hindi lang isang tao ang kausap nila. Ang isang klase ay merong from 25 to 45, sometimes 55, students,” paliwanag ni Duterte.
Sa patakaran ng DepEd kaugnay sa pagprotekta sa mga batang mag-aaral, nakasaad na maikokonsiderang child abuse ang, ''any act by deeds or words that debases, degrades, or demeans the intrinsic worth and dignity of a child as a human being'.'
Idinagdag pa ng ahensiya na hindi dapat mag-live sa social media platforms batay sa DepEd Order Number 49 o ang Professionalism in the Implementation and Delivery of Basic Education Programs and Services.—mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News