Nagtungo sa Novaliches, Quezon City mula sa Angeles City, Pampanga ang mga kaanak ng limang-taong-gulang na babae na tatlong araw nang nawawala matapos kunin ng isang lalaki.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nakatanggap ng impormasyon mula sa isang netizen ang kaanak ng batang si Margaux Alliyah Dela Cruz, o Ally, na nagsabing nakita niya ito at ang lalaki na nakunan sa CCTV camera na karga ang bata.
Batay umano sa kuwento ng netizen na nagpadala sa kanila ng mensahe kanina, nakasabay daw nito si Ally sa isang jeep sa Malinta, Valenzuela patungong Novaliches-Bayan sa Quezon City.
Sabi pa ng netizen, kasama pa rin ng bata ang lalaki.
BASAHIN: Nawawalang batang babae, nakitang karga ng isang lalaki sa Pampanga
"Kukunan niya [netizen] sana ng picture kaso, nagising ang lalaking may dala sa kaniya, natakot ang bata, hindi na niya nakunan," kuwento ni Herminia na tiyahin ni Ally.
Tiniyak din umano ng netizen na si Ally ang kaniyang nakita dahil napanood niya ang balita sa ginagawang paghahanap sa bata.
May ipinakita rin umano ang netizen na hand gesture na ginawa si Ally na mahilig daw gawin talaga ng bata.
Kahit walang katiyakan kung totoo ang sinasabi ng netizen, hindi nagsayang ng oras ang mga kaanak ni Ally na kaagad na nagtungo sa Novaliches at umaasang makikita nila roon ang bata.
Nag-iwan na rin sila ng mga poster na may larawan at impormasyon tungkol kay Ally na idinikit nila sa mga poste at ibang lugar.
Sinamahan na rin sila sa himpilan ng Station 4 ng QCPD para ipagbigay-alam ang nakuha nilang impormasyon.
Kaagad naman bumuo ng grupo si Police Lieutenant Colonel Reynaldo Vitto, Station Commander, para berepikahin ang impormasyon at hanapin si Ally.
"Although mahirap hanapin dahil ang tipster ay wala, nag-order kami sa follow-up team na hanapin baka nandyan pa sa area," anang opisyal.
Nanawagan din siya sa publiko na ipagbigay-alam sa kanila kung may makakakita sa bata.--FRJ, GMA Integrated News