Umani na naman ng mga batikos ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa social media dahil sa pagkakalaglag ng isang bola sa live draw ng 3D (three-digit) Swertres Lotto noong Martes.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, kinumpirma ng PCSO ang insidente na nangyari noong Martes ng 2 p.m. nang magkaaberya ang isa sa tatlong draw machines at malaglag ang isang bola mula sa loob ng makina.
"It's not the first time that this happen[ed] and we want to assure the public that we are prepared for this kind of unexpected incident with our established ISO-approved protocols," ayon kay PCSO General Manager Mel Robles.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, ipinakita ang video sa ginawang live draw para sa 3D lotto, na nalaglag ang isang bola mula sa isang makina, habang may dalawang bola [na may numero] naman na napili ang dalawa pang makina.
Dahil sa nangyari, pinalitan ng PCSO technical team ang makina na hindi nakasalo ng bola at inulit ang proseso.
Pero hindi naman pinalitan ang dalawang makina na may napili nang mga bola o numero.
Ang ilang netizens na pumuna, at sinabing dapat inulit ang lahat ng proseso sa tatlong makina sa halip na isang makina lang.
Hindi rin daw dapat pinutol ng PCSO ang live stream ng lotto draw habang nagpapalit ng makina.
Sa panayam ng GMA Integrated News, sinabi ni PCSO Assistant General Manager Arnel Casas, hindi na puwedeng ulitin ang proseso kung gumana naman ang makina.
"Once the draw machine already selected a number ball, that is already the official winning number. 'Di po 'yun puwedeng baguhin uli lalo na live po ito tapos nakita na po yun ng tao," paliwanag niya.
Ayon kay Robles, 2008 nang huling mangyari ang katulad na insidente na tinawag niyang "minor glitch" na may nahulog na bola.
Nangyayari rin umano ang ganitong insidente maging sa lottery machine na ginagamit sa Amerika.
"For this thing to happen is very remote. But we are prepared and we assure the public that our commitment to a transparent, fair and authentic lottery games will never waver, and is as strong as ever," giit ni Robles.
Ang insidente, nais ni Senator Raffy Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Games and Amusement, na makasama sa imbestigasyon na ginagawa nila sa PCSO dahil madalas na may tumama ng malalaking jackpot prizes sa mga nakaraang draw.
Nauna nang nanawagan si Sen. Imee Marcos, na itigil na muna ng PCSO ang kanilang mga lotto draws dahil sa mga pagdududa sa mga nananalo rito.
“Hangga't 'di naso-solve lahat 'yan, tigilan muna. Eh 'yung sinasabi nila na kailangan ibalik muna from start at ulitin. Mahirap 'yung nawawala tiwala ng tao. Dapat pakinggan natin. Wala namang problema dun. I-livestream na lang lahat," giit niya.
Ayon sa PCSO, may mga nagsisilbing judge o tagamasid sa bawat lotto draw, kasama na rin ang kinatawan mula sa Commission on Audit. — FRJ, GMA Integrated News