Inaresto ng mga awtoridad sa loob ng isang motel sa Rizal ang isang lalaki na inireklamo ng kaniyang dating nobya ng na pananakot na ipakakalat ang maselan niyang larawan kapag hindi pumayag na makipagtalik sa kaniya. Bilang "sample," pinadalhan umano ng suspek ng sensitibong larawan sa lola ng biktima.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nadakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa Taytay, Rizal ang 21-anyos na suspek.

Ayon kay Agent David Golla IV,  NBI-Rizal District Office, pinipilit ng suspek ang biktima na kunan ng mga maseselang larawan o palihim na kinukunan ng video noong magkarelasyon pa ang dalawa.

Ang naturang mga larawan at video ang ginagamit umanong panakot ng suspek sa biktima para pilitin itong makipagtalik sa kaniya.

Pinadalhan pa umano ng suspek ng sensitibong litrato ang lola ng biktima bilang patunay sa kaya nitong gawin.

Nais ng ama ng biktima na managot ang suspek sa ginawa sa kaniyang anak.

Ayon kay Golla, sasampahan ng patong-patong na kaso ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag.-- FRJ, GMA Integrated News