Matapos ang mahigit na 10 taon na pagtatago sa Pilipinas, naaresto ng mga awtoridad sa Taytay, Rizal ang isang British national na umano'y mas kasong child abuse at child pornography sa kanilang bansa.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Peter Joseph Wheeler na inaresto ng mga eperatiba ng Bureau of Immigration Fugitive Search Unit.

Nahatulan umano si Wheeler noong 2009 dahil sa kasong making, possessing, at distributing indecent photographs of children.

Mayroon din siyang mga record ng sexual offense sa ilang menor de edad sa England.

Ayon kay Bureau of Immigration Fugitive Search Unit Chief Rendel Sy, taong 2012 nang makapasok sa bansa si Wheeler.
.
"May kasama siyang menor de edad, sabi ay anak niya, pina-interview natin ito sa DSWD [Department of Social Welfare and Development] para makita kung may signs of abuse, at maging sa neighborhood niya nagpa-check din tayo baka maaaring may nabiktima rin siya doon," ayon kay Sy.

Sinimulan na ng BI ang deportation procedures laban kay Wheeler.

"Kahit meron siyang permanent resident visa, ito po ay cancelled. Once implemented po ang deportation, hindi na siya makakabalik sa pilipinas because of his blacklisting," ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval.

Nakadetine ang Briton na suspek sa Camp Bagong Diwa, na wala pang pahayag. --FRJ, GMA Integrated News