Nakakulong na dahil sa pagnanakaw, hinainan pa ng arrest warrant para sa kasong panggagahasa ang isang lalaking nasa most wanted list ng Mandaluyong Police. Ngunit ang suspek, tumanggi sa mga paratang.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing Agosto nang lumaya si Jekjek Loreano matapos ma-dismiss ang kaso niyang pagnanakaw ng cellphone sa Mandaluyong.
Ngunit muli siyang nakulong nitong Oktubre dahil sa panibagong kaso ng pagnanakaw.
Habang nakadetine nitong Huwebes ang suspek, isa pang warrant ang dumating para naman sa kasong rape.
Pinasubalian ng suspek ang mga reklamo sa kaniya.
“Maawa po kayo sa akin kasi wala po akong kinalaman tsaka hindi naman po totoo talaga ‘yung binibintang sa akin. Wala po akong nalalaman doon sir hindi po ‘yun totoo kasi wala po akong natatandaan na may ni-rape po ako,” depensa ni Loreano.
Kasama siya sa most wanted list ng Mandaluyong Police.
Batay sa impormasyon ng pulisya, nagka-chat sa internet ang suspek at biktima.
Sumasailalim na sa counseling ang biktimang nag-akusa ng rape kay Loreano, base sa Women and Children’s Desk ng QCPD. Desidido siyang ihabla ang suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News