Sumuko sa pulisya at umamin sa krimen ang lalaking ka-live-in ng babaeng natagpuang ginilitan at patay na sa isang apartelle sa North Caloocan.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang sumukong suspek na si Jayson Obuga, 34-anyos, na ka-live-in ng biktimang si Sarah Jane Fajardo.

Si Obuga ang ama ng apat nilang anak.

Sinabi ni Obuga na nagkita sila nitong Miyerkoles para pag-usapan ang mga problema ng kanilang pamilya.

May dala siyang kitchen knife at gun replica para ipangtakot kay Fajardo.

Umabot sa pagtatalo ang kanilang pag-uusap hanggang sa nag-agawan sila sa kutsilyo at napatay niya si Fajardo.

Si Obuga rin ang nagtago ng dalawang cellphone sa toilet tank.

Sasampahan si Obuga ng reklamong murder.

“Aminado naman, kasi talagang ako naman ang gumawa. Humihingi ako ng tawad sa kanila, tsaka hindi naman talaga sinasadya rin ‘yun, hindi ko naman talaga intensyon na aabot sa ganu’n,” sabi ni Obuga tungkol sa krimen. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News