Nakaranas umano ng pagmamalupit at minolestiya pa ang isang babaeng negosyanteng Chinese sa kamay ng kaniyang mga kababayang Chinese na dumukot sa kaniya sa Parañaque City.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ikinuwento ng biktima na nagtungo siya sa isang hotel sa Parañaque City noong Oktubre 30 para sa inakala niyang business meeting.

Pero sa halip, dinukot siya ng kaniyang mga kababayang suspek at dinala sa isang bahay sa Biñan City sa Laguna.

Pilit umanong hinihingan ng mga suspek ang biktima ng perang nagkakahalaga ng P2 milyon.

Dahil sa kayang ibigay ng biktima ang naturang halaga, pinapatawagan pa raw sa kaniya ang mga kaibigan niyang Chinese para mangutang.

Sa apat na araw na pagkakabihag, sinabi ng biktima na sinasaktan siya at kinukuryente pa gamit ang taser.

Pero nang isa lang ang kaniyang bantay at nakatulog pa, nakahanap ng pagkakataon ang biktima para makatakas at makapagsumbong sa mga pulis.

Sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad, nadakip ang tatlong suspek, na itinanggi ang paratang laban sa kanila.

Pero ayon sa biktima, isa sa mga suspek ay kapitbahay niya sa condo at nangmolestiya sa kaniya habang bihag siya.

Umabot umano sa P1.2 milyon ang nakuha sa kaniya ng mga suspek at nakuha rin ang kaniyang mamahaling sasakyan.

Sasampahan ng patong-patong na kaso ang mga suspek.--FRJ, GMA Integrated News