Kinasuhan ng carnapping at estafa ng PNP Highway Patrol Group Region 4A ang isa pang person of interest sa pagkawala ng guro at beauty queen na si Catherine Camilon.

Sa ulat ni Rod Vega sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabing ang kinasuhang PIO ay huling may-ari ng sasakyan na ginamit ni Camilon nang mawala ito noong Oktubre 12 sa Batangas.

Bukod sa naturang huling may-ari ng sasakyan, POI din ang isang pulis na karelasyon umano ni Camilon, at sinasabing katatagpuin ng beauty queen sa Batangas City nang mawala ito.

Ayon kay PRO 4A Public Information Office chief Police Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran, nauna nang hinanap ng HPG ang naturang PIO na huling may-ari ng sasakyan dahil sa mali ang address na nakalagay sa deed of sale ng sasakyan nang mapunta kay Camilon.

Naghihinala rin ang HPG na baka sangkot umano sa grupo ng carnapper ang POI dahil sa kahina-hinala rin umano ang pangalan na ibinigay nito.

Lumalabas naman sa imbestigasyon ng mga awtoridad na hindi pa nailalabas ng Southern Tagalog region ang hinahanap din na sasakyan ni Camilon.

Nakipag-ugnayan umano ang mga awtoridad sa mga expressway operator at lumalabas na walang rekord na dumaan ito sa mga expressway.

 

 

Una rito, sinabi rin ni Gaoiran, na tikom ang bibig ng pulis na POI tungkol sa nangyari kay Camilon.

“Wala pa po siyang masyadong sinasabi. Wala po siyang inaamin o dine-deny about sa pagkawala ni Catherine," ayon sa opisyal.-- FRJ, GMA Integrated News