Binitiwan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) at itinalagang kalihim nito ang business tycoon na si Francisco Tiu Laurel Jr.

"I have just administered the oath of office for the new secretary of the Department of Agriculture, Francisco Laurel," pahayag ni Marcos sa press conference sa Malacañang nitong Biyernes ng umaga.

"It is time that we have found somebody who understands very well the problems that agriculture is facing," dagdag pa niya.

"Secretary Kiko and I are confident that we have a fair understanding, a good understanding of what it is that needs to be done, what are the problems," sabi pa ng pangulo.

Pinamunuan ni Marcos ang DA mula nang mahalal siya bilang pangulo noong nakaraang taon.

Noong nakaraang Hunyo, sinabi ng pangulo na hindi pa muna niya ipapaubaya sa iba ang pamamahala sa DA hanggat hindi pa siya nakatitiyak na maayos na ang lahat ng sistema sa kagawaran.

BASAHIN: Pres. Marcos, inihayag kung kailan niya puwede nang iwan ang DA

Sa pulong balitaan kanina, ipinaliwanag ni Marcos kung bakit niya hinawakan ang DA.

"I truly believe and I think I was proven right that there are many things that only a President could do and the problems were so important and were so deep that I felt that the authority... I suppose moral persuasion of a President was necessary for us to be able to figure out, and it really was, agriculture is a much much more complicated thing than most people understand," pahayag niya.

Sa record ng Commission on Elections, isa si Laurel sa mga nag-ambag sa kampanya ni Marcos nang tumakbo itong pangulo sa Eleksyon 2022.

Ayon kay Marcos, matagal na niyang kakilala si Laurel.

"I've known him since we were boys. So, malakas ang loob ko na ma-i-appoint siya kasi kilala ko pagkatao niya. Alam kong napakasipag nito, unang-una. Pangalawa, nauunawaan niya nang mabuti ang sistema ng agrikultura dito sa Pilipinas," paliwanag ni Marcos.

Isa umano sa nais niyang gawin ni Laurel ay pigilin ang pagtaas ng presyo ng mga produktong agrikultural.

"Well, the obvious one is trying to gain control of the prices of all the agricultural commodities that are going up at tinatamaan tayo ng 'yun na nga, 'yung napag-usapan ko, climate change, alam niyo na lahat 'yung swine flu, alam niyo na lahat 'yung avian flu na tumatama sa atin," pahayag niya.

Nais din ni Marcos na mapadami ang produksyon ng agrikultura.

Sinabi naman ni Laurel na ipagpapatuloy niya ang mga layunin at programa ni Marcos sa sektor ng agrikultura.

"Pangunahing adhikain ko ang pagtiyak na sagana ang ating ani at siguruhing ito ay makakarating sa hapag ng bawat Pilipino. Layunin ko na tiyakin na may sapat at masustansyang pagkain na mabibili ng ating mga kababayan sa tamang halaga," ani Laurel.

Inihayag din niya ang kahalagahan ng modernisasyon ng agrikultura para matulungan ang mga magsasaka at mangingisda.—FRJ, GMA Integrated News