Patay ang isang truck driver matapos siyang makaladkad at magulungan ng 10-wheeler truck na kaniyang nakagitgitan sa Tondo, Maynila. Ang kapwa niya truck driver na suspek, arestado.

Sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente pasado alas dose ng tanghali nitong Huwebes, nang iparada ng biktimang si Benjamine Bagtas, 47, ang kanyang elf truck sa Road 10 sa Brgy. 105.

Pababa na ang truck driver nang biglang may dumating na 10-wheeler truck.

Agad kumabig ang 10-wheeler papunta sa nakahintong elf truck kaya naipit sa gitna si Bagtas at nakaladkad ng ilang metro saka pumailalim at magulungan nito.

Sa isa pang kuha ng CCTV, makikita ang layo ng pagkakaladkad ng biktima.

Nadala pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Mabilis na hinarang ang truck ng mga taga-barangay at pulis na nagbabantay sa lugar hanggang sa tuluyang napababa ang suspek sa kaniyang truck na kinilalang si Marlon Ilas, 34-anyos.

Ayon sa pahinante na kasama ni Bagtas, nagkaroon na ng gitgitan sa pagitan ng suspek at biktima bago ang insidente.

Laking pagsisisi naman ng suspek sa kaniyang nagawa.

“Hindi ko sinasadya ‘yung pangyayari, aksidente. Sana maintindihan din po nila ako, sana mapatawad din nila ako, tao lang din po ako,” sabi ni Ilas.

Ngunit ang pulisya, ikinokonsiderang road rage ang nangyari.

“Bigla niyang ipinaling sa kanan kung nasaan naroon ‘yung ating biktima. At hindi man lang siya nag-slow down. Masasabi natin na road rage ito, dahil sila ay parehong nagmamaneho ng sasakyan, sa gitna ng kalsada, nagkaroon ng ‘di pagkakaunawaan,” sabi ni Police Captain Dennis Turla, chief, MPD Homicide section.

Siniguro naman ng kumpanya ng truck na tutulong sila sa pamilya ng namatayan.

Na-inquest ang suspek nitong Biyernes sa Manila Regional Trial Court sa kasong murder by means of motor vehicle.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News