Nakumpirma sa isinagawang awtopsiya sa mga labi ng Grade 5 student na nasawi matapos umanong sampalin ng guro na mayroon siyang tuberculosis, ayon sa Philippine National Police (PNP).
“Sa lungs niya may nakita kami na pulmonary tuberculosis,” ayon kay Hector Sorra, Medico Legal Division chief ng PNP-Forensic Group.
Ayon kay Sorra, hinihintay pa nila ang resulta ng histopathology examination sa labi ng 14-anyos na si Francis Jay Gumikib para masuri pa nila ito.
Mailalabas lang umano ng Medico Legal Division ang kabuuang report sa dahilan ng pagkamatay ni Gumikib kapag nakumpleto na ang pagsusuri sa CT scan at histopathology.
Karaniwang tumatagal umano ng 30 araw ang pagsusuri sa histopathology, na ginagamitan ng microscope ang resulta. Pero sinabi ni Sorra na bibilisan nila ito sa kaso ni Gumikib.
Pumanaw si Gumikib ilang araw matapos na sampalin umano ng guro sa Peñafrancia Elementary School sa Rizal.
Sa kanilang death certificate, nakasaad na global brain edema at pagdurugo sa utak ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Naniniwala ang ina ni Gumikib na si Elena Minggoy, na may kinalaman ang pagsampal ng guro sa pagkamatay ng kaniyang anak. Gayunman, hindi raw niya alam na maysakit ang anak nang panahong iyon.
Aniya, nang isugod sa ospital, nakaranas ang kaniyang anak ng pananakit ng ulo, mata, taenga at pagsusuka.
Sumuko rin umano ng dugo ang bata habang nasa emergency room at doon na-diagnosed na mayroon siyang lung disease.
Aalamin sa imbestigasyon kung may kinalaman ang tuberculosis sa dahilan ng pagkamatay ng bata, o kung nakaapekto sa kalagayan ng biktima ang umano'y pananampal ng guro.
Pero dati na umanong sinabi ng guro sa mga imbestigador na bahagya lang dumapo ang kamay niya sa pisngi ng bata.
Sa nakaraang ulat, sinabi naman ng forensic pathologis na si Dr. Raquel Fortun na dapat ikonsidera ang pagkakaroon ng tuberculosis ng bata at ang 11-araw na pagitan nang mangyaring pananampal umano at pagkamatay ng biktima.
“It can produce meningitis. Are we not dealing with meningoencephalitis? An inflammation of the brain and the covering? And that can be from bacteria,” ani Fortun.
--FRJ, GMA Integrated News