Maliban sa P100,000 cash gift sa mga umaabot sa 100 taon ang edad, nais din ng Senado na bigyan ng regalong pera ang mga makakaabot sa edad na 80 at 90. Kung magkano ang mungkahing regalo, alamin.

Nitong Lunes, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2028, na layong palawigin ang Centenarians Act of 2016, na nagkakaloob ng P100,000 cash gift sa mga Pinoy na umaabot sa edad na 100.

Sa ilalim ng panukala, nais din ng mga senador na bigyan ng regalong P10,000 ang mga Pinoy na aabot sa 80 ang edad, at P20,000 naman kapag sinapit nila ang edad na 90.

Nakasaad din sa SB 2028 na mayroon isang taon na palugit para kunin nila ang cash gift.

Kuwalipikado umano sa ilalim ng panukala maging ang mga Filipino na nasa labas ng Pilipinas.

"Sa wakas, pati ang mga lolo't lola natin na umabot ng 80 o hanggang 90 years old ay mabibiyayaan na rin ng regalo na maaaring makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, at habang naghihintay sila ng mas malaking regalo pagdating nila ng 100 years old," ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, na co-author ng panukala. —FRJ/KG, GMA Integrated News