Sinabi ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi nagsasabi ng totoo ang amo ng minaltrato umanong kasambahay na si Elvie Vergara nang isalang nila ito sa polygraph examinations o lie detector test.

Inihayag ito ng NBI sa isinasagawang imbestigasyon ng Senate justice and human rights committee nitong Lunes, kaugnay sa sinapit ni Vergara na nabulag dahil umano sa kalupitan ng amo.
Sa naturang pagdinig, tinanong ni Senador Jinggoy Estrada ang mga NBI polygraph examiner na sina Eddie Betervo at John Greg Ferran kung totoo na ang resulta ng polygraph test kina France at Pablo Jerry Ruiz ay “indicative of deceptions.”

“Ibig mo bang sabihin nagsisinungaling si Ginang France?” tanong ni Estrada kay Ferran, na nagsagawa ng test kay France Ruiz.

Tumugon ng oo si Ferran, ganoon din si Betervo, nang tanungin kaugnay sa test na isinagawa niya kay Pablo.

Tinanong din ni Estrada ang dalawang tauhan ng NBI kung gaano katiyak ang resulta ng eksaminasyon. Paliwanag ng dalawa, nagsagawa sila ng tatlong polygraph examination sa mag-asawa na standard procedure sa computerized polygraph system.

“After ng three series na ‘yon tiningnan po namin ang results [at] consistent ang kanyang reaction sa tanong na binigay ko sa kanya during the actual test… Consistent po na nagsisinungaling siya d'on,” sabi ni Betervo.

Inihayag din ng mga tauhan ng NBI na 99% accurate ang polygraph test.

Bago nito, tinanong ni Sen. Raffy Tulfo si France kung sa tingin niya ay pasado siya sa naturang test.

“Ako po ay nagsabi ng totoo…Pumasa po," anang ginang.

Kasunod nito ay ipinaalam ni Tulfo na bumagsak siya sa test.

Dalawang katrabaho rin ni Vergara ang sumalang sa polygraph test na sina JM Taroma at Patrick Simbaon, na parehong pumasa, ayon kay Estrada.

Sa pagdinig nitong Lunes, idineklara rin na in contempt si Pablo dahil sa pagsisinungaling sa Senado kaya ilalagay din siya sa kostudiya ng kapulungan.

Nauna nang idineklara na in contempt ang kaniyang asawa noong nakaraang linggo. Itinanggi nila ang paratang na minaltrato nila si Vergara. —FRJ, GMA Integrated News