Hulicam sa NAIA ang isang security screening officer na nagbukas ng bagahe at nanguha umano ng gamit ng pasahero.
Ayon sa eksklusibong ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend, nakunan ng CCTV sa NAIA Terminal 2 departure area noong September 13 ang security screening officer na binuksan ang bagahe ng isang pasahero.
Kumuha siya ng dalawang pakete mula sa bagahe at inilagay ang mga ito sa isang airport bin. Ibinaba niya ito sa sahig, tinakpan ng isa pang bin, at itinabi.
"Kumuha siya ng gamit sa isang pasahero na hindi naman sa kaniya," ani Office for Transportation Security (OTS) Administrator Undersecretary Ma.O Aplasca.
"Allegedly sabi niya binigyan daw siya, binigay naman daw sa kaniya, but to us extortion po iyon. hindi po ‘yon bigay."
Ayon sa OTS, nilabag ng screening officer ang RA 6713, o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Noong Biyernes natapos ang imbestigasyon ng OTS at sinibak agad ang screening officer, na Abril lang na-hire bilang job order personnel.
Ang sabi raw ng screening officer, tsokolate ang kinuha niya na binigay umano sa kanya ng pasahero.
"But we will have to confirm kung talagang tsokolate...meron ding angle na tinitingnan ang ating mga imbestigador na baka posibleng kaya merong ganun dahil baka may pinalusot itong mga screening officer namin," sabi ni Aplasca.
Sinubukan ng GMA Integrated News na hingin ang contact number ng na-dismiss na security officer para makuha ang kanyang panig, pero hindi ito ibinigay ng OTS bilang respeto sa kanyang privacy.
Tatlong tauhan ng OTS ang naka-preventive suspension na at sinampahan ng kasong administratibo, kasunod ng pagkahulicam sa isang screening officer na lumunok ng tila papel—kasunod ng reklamo ng isang pasaherong nawalan daw ng US$300.
Sabi rin ng screening officer sa naunang kaso na tsokolate ang kanyang sinubo at hindi pera.
Ayon sa OTS, 24 pang kaso ng paglabag ang kanilang iniimbestigahan na bahagi raw ng kanilang intensified internal cleansing program.
"We encourage kung talagang if you feel na your rights are violated, we encourage the public to file a complaint and we will act on it," saad ni Aplasca. — BM, GMA Integrated News