Sugatan ang isang Grade 12 student matapos siyang saksakin sa likod ng kaniyang 14-anyos na kaeskuwela sa loob mismo ng paaralan sa Quezon City. Ang insidente, nag-ugat daw sa banggaan habang naglalakad noong unang araw ng pasukan.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV News "State of the Nation" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa isang paaralan sa Barangay Tatalon.
Ayon sa biktima, naglalakad sila ng kaniyang kinakapatid sa eskuwelahan nang bigla na silang banggain ng suspek.
Nagkaroon umano sila ng sagutan ng suspek at bigla siyang sinipa.
Depensa naman ng suspek, ang biktima umano ang matapang sa pagtatanong.
“Sabi niya, mayabang ka ba, nangga-gangster ka ba dito. Sabi ko, pasensya na hindi naman sinasadya. E madami pong tao no'n, siksikan po kaya nabangga ko po siya, tapos binugbog niya po ako. Hinawakan niya po yung damit ko sabay sinakal niya po,” kuwento nito.
Ipinatawag sa guidance office dahil doon pero tanging sila lang ng kaniyang ina ang dumating.
At pagkatapos ng klase, ayon sa suspek, “Eh nandilim po ‘yung paningin ko kaya ko siya nasaksak e. Sobrang galit ko po.”
Handa raw ang pamilya ng suspek na makipag-ayos sa biktima. Pero desidido naman ang biktima na kasuhan ang suspek.-- Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News