Nilooban ng mga kawatan ang isang residential compound at tinangay ang mga kagamitan na nagkakahalaga ng halos P270,000 sa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City.
Ang isa sa mga suspek, arestado sa follow-up operation.
Sa ulat ni James Agustin ng GMA Integrated News sa Unang Balita nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV ang pagdating ng isa sa mga suspek na nakamotorsiklo sa harapan ng residential compound bandang 5 a.m. ng Martes.
Matapos nito, nilapitan siya ng isa pang lalaki na may suot na dilaw na hoodie.
Sa isa pang kuha ng CCTV, makikitang pumasok ang dalawa sa gate at naglakad papunta sa compound.
Makalipas ang ilang minuto, bumalik na sa kaniyang motorsiklo ang rider, na nilooban na pala ang isa sa mga paupahang bahay.
Sinabi ng pulisya na biglang nagising ang nakatira sa bahay at inabutan pa ang mga papatakas na magnanakaw.
Nagpang-abot pa ang biktima at ang mga suspek sa ikalawang palapag ng bahay, ngunit agad bumaba ang mga suspek at itinulak ang biktima.
Lumabas sa imbestigasyon na tatlo ang nasa likod ng pagnanakaw, ngunit hindi na nakunan ng CCTV ang isang nagsilbing lookout.
Nadakip ang rider na kinilalang si Riether John Reyes sa isinagawang follow-up operation.
Nabawi mula sa suspek ang mga sapatos, mamahaling relo, bag, headphones at dumbbell na nagkakahalaga ng halos P170,000.
Hindi na nabawi ang isa pang relo na nagkakahalaga ng P100,000.
“Nagawa ko lang po ‘yun dahil kailangan na kailangan ko lang po talaga ng pera. Wala po kasi akong mahingian ng pera sa pangangailangan ko po sa araw-araw,” sabi ni Reyes. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News